Ang Wudhu’ (paghuhugas) at Taharah (paglilinis) ay kabilang sa mga pinakamainam at pinakadakilang gawain. Sapagka’t pinapatawad ng Allah sa pamamagitan nito ang mga kasalanan at kamalian hanggang nananatiling matapat sa layunin ang isang alipin sa paghahangad nito ng gantimpala mula sa Allah. Sa katunayan, sinabi ng Sugo ng Allah ﷻ : “Kapag nagsasagawa ng Wudhu’ ang isang alipin [o Muslim] at kanyang hinugasan ang kanyang mukha, lumalabas mula sa kanyang mukha ang lahat ng kasalanan ng ginawang pagtingin ng kanyang mga mata kasama ng tubig, at kapag kanyang hinugasan ang kanyang dalawang kamay, lumalabas mula sa kanyang mga kamay ang lahat ng kasalanan ng ginawang pang-aabot ng kanyang mga kamay kasama ng tubig, at kapag kanyang hinugasan ang kanyang mga paa, lumalabas ang lahat ng kasalanan ng ginawang pang-aapak ng kanyang mga paa kasama ng tubig, hanggang siya ay lumabas na lubos ang kadalisayan mula sa mga kasalanan”. (Muslim: 244) |
Papaano ako magsasagawa ng Wudhu’ at tanggalin ang Hadath Asgar [maliit na antas ng karumihan]?
Kapag nais ng isang Muslim na magsagawa ng Wudhu’, kinakailangan niyang isapuso ito, ibig sabihin ay kailangang magkaroon siya ng layunin [niyyah] sa kanyang puso’t isipan sa kanyang gagawing pagtanggal sa Hadath (kalagayang marumi), sapagka’t ang layunin ay kailangan [bilang kondisyon] para sa lahat ng mga gawain. Batay sa sinabi ng Propeta : “Katotohanang ang mga gawain ay nakabatay sa mga layunin”. (Al-Bukhari: 1 – Muslim: 1907), pagkatapos siya ay magsisimulang magsagawa ng Wudhu’ nang ayon sa pagkakasunud-sunod, tuluy-tuloy na walang matagal na pagtigil sa pagitan ng mga naturang gawain:


Magsabi ng: (Bismillaah [sa Ngalan ng Allah]).

Hugasan ang dalawang kamay ng tubig nang tatlong ulit bilang kaaya-ayang gawain.

Magmugmog ng tubig, [ang kahulugan ay] ipasok ang tubig sa bibig at imumug ito sa loob at pagkatapos ay iluluwa, nakabubuti na gawin ito nang tatlong ulit, datapuwa’t ang kailangan ay isang ulit lamang.

Singhutin [ang tubig], [ang kahulugan ay] singhutin ang tubig nang papasok sa ilong at pagkatapos ay isingha nang papalabas ang tubig mula sa ilong [itulak ang tubig papalabas sa pamamagitan ng pagbuga ng hangin na papalabas mula sa ilong], at nakabubuti na lubus-lubusin ito maliban kung ito ay magdudulot para sa kanya ng kapinsalaan, at makabubuti rin na gawin ito nang tatlong ulit, datapuwa’t ang kailangan ay isang ulit lamang.

Hugasan ang mukha, at ito ay magsisimula sa pinakataas na bahagi ng noo, simula sa tinutubuan ng buhok nito hanggang sa ibabang bahagi ng baba, at simula sa isang tainga hanggang sa isa pang tainga. Datapuwa’t ang dalawang tainga ay hindi [itinuturing bilang] sakop [na bahagi] ng mukha, at nakabubuti na gagawin ito nang tatlong ulit, datapuwa’t ang kailangan ay ang isang ulit lamang.

Hugasan ang dalawang kamay, simula sa mga dulo ng mga daliri hanggang sa mga siko, ang dalawang siko ay [bahaging kabilang sa nararapat] hugasan, at nakabubuti na gawin ito nang tatlong ulit, datapuwa›t ang kailangan ay isang ulit lamang.

Haplusin ang ulo nang basang kamay simula sa unahan ng ulo hanggang sa hulihan ng ulo na kasunod ng batok, at iminumungkahi na haplusing pabalik patungo sa unahan ng ulo sa ikalawang pagkakataon, at hindi itinatagubilin bilang kaaya-ayang gawain na gawin ito nang tatlong ulit, tulad ng mga ibang bahagi ng katawan.

Sa pamamagitan ng mga basang daliri, haplusin ang pinakaloob na gilid ng mga tainga gamit ang hintuturong daliri at ng mga labas na bahagi gamit ang daliring hinlalaki at ito ay ginagawang minsanan.

Hugasan ang dalawang paa kasama ang magkabilang bukong-bukong, at itinatagubilin ito bilang kaaya-ayang gawain na gawin ito nang tatlong ulit, datapuwa›t ang kailangan ay isang ulit lamang. At kung siya ay nakasuot ng medyas, magkagayon ipinahihintulot ang pagpunas nito nang ayon sa ilang patakaran (Tunghayan ito sa pahina:111).
Ang Hadath Akbar (nasa kalagayan ng malaking dumi) at ang [pangangailangan ng] Ghusl (Paliligo)
Ang mga kinakailangan ng Ghusl (Paliligo):
At ito [mga tinutukoy sa ibaba] ay ang mga bagay na kapag nagawa ng isang Muslim na kinakailangang maligo bago siya magsagawa ng Salah (pagdarasal) at Tawaf (pag-ikot sa palibot ng Ka`bah), at inilarawan dito ang isang Muslim na nasa kalagayan ng [malaking antas ng karumihan [Hadath-Akbar] bago ang kanyang pagligo.
Ang mga bagay na ito ay ang sumusunod:
1
Ang paglabas ng Manee (semilya) na pabulwak dahil sa kasiyahan [ng pagnanasa], maging sa anupamang pamamaraan, at sa lahat ng mga kalagayan, maging gising man o natutulog
Ang Manee, ito ay puting likido na malapot na lumalabas sa sandaling nasa kainitan ng pagnanasa at kasiyahan.
2
Ang pakikipagtalik, na ang tinutukoy dito ay ang pagpasok ng ari ng lalaki sa ari ng babae. At kahit wala pang lumabas o bumulwak na Manee (semilya), sapat na ang pangangailangan ng Ghusl (paliligo) sa pagpasok ng ulo ng ari [ng lalaki]. Batay sa sinabi ng Allah: {At kung kayo ay nasa kalagayan ng Janabah (matapos makipagtalik sa asawa, o may lumabas na semilya), dalisayin ninyo ang inyong sarili (sa pamamagitan ng paghugas ng buong katawan)}. Al-Maidah (5): 6
3
Ang paglabas ng dugo ng Hayd (regla) at Nifas (dugong lumalabas sa isang buntis sanhi ng panganganak o bago manganak):
- Ang Hayd: Ito ay ang karaniwang dugo na lumalabas sa babae nang buwanan, at nananatili ito sa loob ng pitong araw, maaaring humigit o kumulang nang ayon sa pagkakaiba ng likas na katangian ng mga kababaihan.
- Ang Nifas: Ito ay dugo na lumalabas sa babae sanhi ng kanyang panganganak at nananatili ito ng ilang mga araw.
At ang mga babaeng may hayd [regla] at nifas [pagdurugo sanhi ng panganganak] sa panahon ng paglabas ng dugo, ay binigyan ng kaluwagan, kaya naman, dahil dito sila ay pansamantalang malaya mula sa pagsasagawa ng takdang Salah (pagdarasal) at Siyam (pag-aayuno) [hanggang sila ay maging malinis]. datapuwa’t ang Siyam ay nangangailangan ng kapalit ng pag-aayuno [sa ibang araw bilang kapalit ng kanyang pagliban sa pag-aayuno], samantalang ang Salah ay hindi pinapalitan [ang pagliban sa pagdarasal sa panahon ng pagreregla] at hindi ipinahihintulot sa kanilang mga asawa ang makipagtalik sa kanila sa panahon na iyon, nguni’t pinahihintulutan ang hindi hihigit dito, at itinatagubilin sa kanila ang Ghusl (paligo) sa sandaling tumigil ang dugo.
Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {Kaya, lumayo kayo [huwag makipagtalik] sa mga kababaihan [mga asawa] sa panahon ng kanilang pagreregla, at sila ay huwag ninyong lalapitan [huwag makipagtalik sa kanila] hanggang sila ay maging malinis [matapos ang regla at nakapaligo]. At kung sila ay naging malinis na, sila ay maaari na ninyong lapitan [upang makipagtalik] sa bahagi na kung saan ay ipinag-utos ng Allah sa inyo}. Surah Al-Baqarah (2): 222
Papaano maglilinis ang isang Muslim na nasa sa Janabah (sekswal na karumihan) o nasa kalagayan ng Hadath-Akbar [malaking antas ng karumihan]?
Sapat na para sa isang Muslim na magkaroon ng niyyah (layunin) sa kanyang puso at isip - ang paglilinis at paghuhugas ng tubig sa kanyang buong katawan.
- Nguni’t ang pinakamainam ay ang [Istinja] paghuhugas ng tubig tulad ng kanyang ginagawa pagkatapos ng pagdumi, pagkatapos ay pagsasagawa ng Wudu’, at pagkatapos ay pagbubuhos ng tubig sa iba pang bahagi ng kanyang katawan, sapagka’t ito ang pinakamalaking gantimpala para sa kanya; dahil sa kanyang pagsunod sa Sunnah (o kaparaanan) ng Propeta ﷺ.
- At kapag nagsagawa ng Ghusl (paliligo) ang isang Muslim sanhi ng Janabah (sekswal na karumihan), magkagayon ito ay sapat na upang makapagsagawa ng Wudu’, samakatuwid hindi na niya kailangang magsagawa ng Wudu’ kasama ng Ghusl, nguni’t ang higit na mainam ay ang Ghusl na sumasaklaw sa Wudu’, tulad ng Sunnah ng Propeta ﷺ.
Kabilang sa kaluwagan ng Islam ay ang pagkakaroon ng kakayahan ng isang Muslim na haplusin ng kanyang mga basang kamay ang ibabaw ng kanyang medyas o sapatos na natatakpan ang lahat ng paa bilang kapalit ng paghuhugas sa kanyang paa sa Wudu’, sa kondisyon na sa pagsuot niya nito, siya ay nasa [bisa ng] Wudu’, at ito ay sa panahon na hindi humigit sa 24 oras para sa hindi naglalakbay, at 72 oras naman para sa naglalakbay.
Samantalang sa Ghusl (paligo) sanhi ng Janabah (sekswal na karumihan), kinakailangan ang paghuhugas sa mga paa sa lahat ng kalagayan.

Sa sinumang hindi kayang gumamit ng tubig
At kapag ang isang Muslim ay hindi maaaring gumamit ng tubig sa Wudu’ o sa Ghusl sanhi ng karamdaman o [dahil sa] kawalan ng tubig, o walang tubig maliban sa [tubig na] sapat lamang para sa inumin: Kung gayon itinatagubilin ang pagsasagawa ng Tayammum (bilang kapalit ng Wudu’) sa pamamagitan ng [tuyong] lupa (alikabok) hanggang sa makatagpo ng tubig at makakaya niyang gumamit nito.
Ang pamamaraan ng pagsasagawa ng Tayammum: Idampi ang mga [palad ng] kamay sa [tuyong] lupa nang minsanang pagdampi, pagkatapos ay ihaplos ang nalalabing alikabok [ng kanyang palad] sa kanyang mukha, at pagkatapos ay ihaplos sa ibabaw ng kanang kamay ang kaliwang kamay, gayundin ang kaliwang kamay sa ibabaw ng kanang kamay.