Ang Hajj ay mayroong mga di-mabilang na dakilang layunin at hangarin sa sarili at sa pamayanan. Pagkaraang bigyan ng alituntunin ang mga nagsasagawa ng Hajj hinggil sa mga hayop na iaalay, sila ay nararapat na hanapin ang pamamaraang mapalapit sa Dakilang Allah sa Araw ng An-Nahr (araw ng pagkakatay sa mga hayop na iniaalay bilang handog):
{Kailanman ay hindi nakakarating sa Allah ang mga laman nito, gayundin ang dugo nito, datapuwa’t ang inyong Taqwa (pitagang takot sa Allah) ang nakakarating sa Kanya}. Al-Hajj (22): 37
Siya ay nagsabi: «Itinalaga lamang ang Tawaf (pag-ikot) sa palibot ng Ka’bah, at (ang paglakad) sa pagitan ng As-Safa at Al-Marwah at ang pagbato sa Jamarat upang itaguyod ang paggunita sa Allah». (Abu Daud: 1888)

Kinakailangan sa sinumang nais magsagawa ng Hajj (malaking pilgrimahe) o Umrah (maliit na pilgrimahe) na mag-aral ng mga Islamikong Alituntunin para maipatupad ito sa paraang itinakda ng Islam.
At ang ilan sa mga layunin nito ay:
1
Ang paglalarawan ng ganap na pagsuko [o pagtalima] pagpapakumbaba sa Allah
At ito ay natututuhan lamang kapag ang isang Hajji (nagsasagawa ng Hajj) ay lumisan sa lahat ng uri ng karangyaan at palamuti, bagkus siya ay nagsusuot lamang ng isang simpleng kasuutang Ihram bilang tanda ng kanyang lubos na pangangailangan at umaasa lamang sa habag ng kanyang Panginoon, at umiiwas sa mga makamundong kasiyahan na maaaring makapaglihis sa kanya sa marubdob na pagsasagawa ng matapat na pagsamba sa kanyang Panginoon, upang kanyang matamo ang Kanyang kapatawaran at habag, at ang paglalarawan ng ganap na pagsuko [o pagtalima] ay higit na nagiging malinaw sa kanyang pagtindig sa araw ng `Arafah habang nagsusumamo sa kanyang Panginoon, nagpupuri, nagpapasalamat sa Kanyang mga biyaya at kabutihangloob, at humihingi ng kapatawaran sa kanyang mga kasalanan at pagkakamali.
2
Ang Pagpasalamat sa Mga Biyaya at Pagpapala:
Nailalarawan ang pagpapasalamat sa pagsasagawa ng tungkuling Hajj sa dalawang panig: Pagpapasalamat sa biyaya ng yaman, at pagpapasalamat sa kaligtasan ng katawan, na ang mga ito ang pinakadakilang biyaya at pagpapala ng mundo na siyang ikinaliligaya ng tao. Samakatuwid sa Hajj ay pagpapasalamat sa dalawang dakilang biyaya na ito, na kung saan ay nagpapakahirap ang tao sa kanyang sarili at gumugugol ng kanyang kayamanan alang-alang sa pagsunod sa kanyang Panginoon at pagpapalapit sa Kanyang Kaluwalhatian, at walang pagaalinlangan na ang pagpapasalamat [at pagkilala] sa mga ipinagkaloob na biyaya ay isang tungkulin, na ipinahahayag ng makatuwirang isip at ipinaag-uutos rin ng relihiyon.
3
Ang Pagtitipon ng Mga Muslim:
Nagkakatipun-tipon ang mga Muslim mula sa apat na sulok ng daigdig sa panahon ng Hajj. Sila ay nagkakakilala sa isa’t isa at nagkakapalagayan ng loob, dito ay pinapawi ang pagkakaiba sa pagitan ng mga tao tulad ng pagkakaiba sa kasaganaan at kahirapan, pagkakaiba sa kasarian at kulay, pagkakaiba sa salita at wika, ngunit nagkakaisa sa pinakamalaking pagtitipong ito, nagkakaisa sa kabutihan, sa kabanalan, sa pagpapayuhan sa katotohanan at sa pagiging matiisin.
4
Ang Paggunita sa Huling Araw:
Sa Hajj ipinaaalaala nito sa isang Muslim ang tungkol sa Araw ng Pakikipagharap [ng tao sa kanyang Panginoon [Allah], ito ay kapag nakapaghubad na ang isang Hajji (nagsasagawa ng Hajj) ng kanyang kasuutan at nagsimulang mag-Talbiyah (binibigkas ang mga ipinag-utos na bigkasin para sa Hajj) bilang isang Muhrim (nasa kalagayan ng Hajj) at nakatindig sa kapatagan ng Arafah at nakita ang pagkarami-raming mga tao na ang kanilang mga kasuutan ay iisa na para bagang natutulad sa mga sapot (damit na ginagamit sa paglilibingl), at dito ay sasagi sa isipan niya ang isang kalagayan na tiyak na kahaharapin ng isang Muslim pagkatapos ng kanyang kamatayan, kaya’t ito ang maghikayat sa kanya upang paghandaan ito at maghanda ng baon bago ang pakikipagtagpo sa Allah.
5
Ang paghahayag sa Kaisahan ng Allah at ang pagtatangi sa Kanya sa pagsamba - maging sa salita at gawa:
Kung gayon ang sagisag ng mga nagsasagawa ng Hajj ay ang Talbiyah : Labbaykal laahumma labbayk, labbayka laa shareeka laka labbayk, innal hamda wan ni`mata laka wal mulk, laa shareeka lak (Naririto po ako sa Iyong paglilingkod, O Allah, naririto po ako sa Iyong paglilingkod, Ikaw ay walang katambal; sa Iyo lamang ang papuri at pagdakila. Ikaw ay walang katambal [sa pagiging Diyos]). At dahil dito nagsabi ang isang dakilang Sahabi (kasamahan ng Propeta) tungkol sa paglalarawan sa Talbiyah ng Propeta : «At siya ay nagbubunyi sa [kahalagahan at] kadakilaan ng Tawhid (Kaisahan ng Allah)». (Muslim: 1218), at katunayan, ang diwa ng Tawhid [Kaisahan ng Allah] ay malinaw ipinakita sa lahat ng mga ritwal ng Hajj, sa mga gawain at sa mga salita.