Ang Eeman [Pananampalataya] ay binubo ng Anim na Haligi ng Paniniwala

Ang Eeman [Pananampalataya] ay binubo ng Anim na Haligi ng Paniniwala

Paniniwala sa Allah - ang Makapangyarihan at Kapita-pitagan


Ang Kahulugan ng Paniniwala sa Allah - ang Makapangyarihan at Kapita-pitagan:

Ito ay ang wagas na paniniwala sa Allah, at pagkilala sa Kanya bilang Panginoon, bilang Nag-iisang Diyos at pagkilala sa Kanyang mga Pangalan at mga Katangian.

At magkakaroon tayo ng talakayan sa mga bagay na ito nang puspusan sa mga sumusunod na babanggitin:




 

Ang Kalikasan ng Allah:


Ang pagpapatotoo sa Allah, bilang Nag-iisang Diyos ay isang bagay na likas sa tao, hindi nangangailangan ng pagpapakahirap sa paghahanap ng katibayan nito, kung bakit ang karamihan sa sangkatauhan ay kumikilala sa pagkakaroon ng Diyos sa kabila ng kanilang pagkakaiba sa pananampalataya at mga prinsipiyo.

Kaya ating nadarama sa kaibuturan ng ating mga puso na Siya ay tunay na umiiral at [nananatiling buhay], tayo ay dumudulog sa Kanya sa oras ng mga kagipitan at mga kalamidad sa pamamagitan ng ating likas na paniniwala at likas na pananalig na itinanim ng Allah sa puso ng bawa’t tao, at kahit pa subukan ng ilan sa mga tao ang alisin ito at magmaangmaangan dito.

Kaya ito tayo, naririnig natin at nasasaksihan natin ang ilan sa mga katugunan ng mga nananalangin, ang pagkakaloob Niya sa mga humihiling at ang Kanyang pagtugon sa mga nagigipit ay sadyang nagpapatunay nang may katiyakan ng pagkakaroon ng Isang Diyos.


Ang mga patunay sa pagkakaroon ng Diyos [ang Allah] ay higit na maliwanag kaysa sa banggitin at bilangin ang mga katibayan hinggil dito: at ang ilan sa mga ito:


  • Ang kilala sa bawa’t tao, na ang isang pangyayari ay kinakailangan na may isang nagpapairal nito, kaya ang napakaraming mga nilalang na ito na ating nakikita sa lahat ng oras kinakailangan na may isang Tagapaglikha na lumikha nito, Siya ang Allah na Napakadakila at Kapita-pitagan, sapagka’t hindi matatanggap na may isang nilikha na walang manlilikha na lumikha nito, gayundin na hindi matatanggap na siya mismo ang lumikha sa kanyang sarili; sapagka’t ang isang bagay ay hindi nakapaglilikha ng kanyang sarili. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {Sila baga ay nilikha mula sa wala? O sila baga ang mga manlilikha (ng kanilang mga sarili)?}. At-Tur (52). 35
    Ang kahulugan ng talata: Katotohanang sila ay hindi nilikha nang walang tagapaglikha na lumikha sa kanila, at hindi rin naman sila ang tagapaglikha na siyang lumikha sa kanilang sarili mismo, kaya malinaw na ang lumikha sa kanila ay ang Nagiisang Diyos – ang Allah.
  • Katotohanan, ang pagkakaayos nitong sansinukob sa pamamagitan ng kalangitan nito, ng kalupaan, ng mga bituin at ng mga punong-kahoy ay isang tiyak at matatag na katibayan na nagpapatunay na ang daigdig na ito ay mayroong Isang Tagapaglikha, at ito ay ang Allah. Ang Qur’an ay nagpahayag: {[Ito ay] gawa ng Allah na Siyang nagbigay kaganapan para sa lahat ng bagay}. Al-Naml (27): 88
    Kaya ang mga planeta na ito at mga bituin – halimbawa – ay tumatahak ayon sa isang di-natitinag [hindi nagbabagong pamamaraan na hindi nasisira], at ang bawa’t planeta ay tumatahak sa isang ligiran [orbito na hindi nito hinihigtan at nilalagpasan.
    Ang Kataas-taasang Allah ay nagsasabi: {Hindi marapat na maabot ng araw ang buwan, gayundin ang gabi na maunahan ang maghapon. Ang bawa’t isa (sa mga ito) ay tumatahak sa isang ligiran [orbit)}. Yasin (36): 40

Ang tao [sa mga bahagi ng kanyang katawan] ay isa sa mga dakilang katibayan ng pagkakaroon ng Isang Makapangyarihang Diyos [ang Allah] sa sinumang nagbibigay pansin, nagmumuni-muni at tumitingin sa lahat ng ipinagkaloob sa kanya ng Allah, tulad ng biyaya ng pagkakaroon ng pag-iisip, tamang damdamin, pagkaayos sa pagkakalikha at pagkaganap nito. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Alla): {At gayundin sa inyong sarili. Hindi ninyo nakikita?} Az-Zariyat (51): 21



 

Ang Kahulugan ng Paniniwala sa Allah bilang Tanging Panginoon [ng lahat]:


Ito ay ang pagkilala at wagas na paniniwala na ang Allah ang Panginoon ng lahat ng bagay, ang Nagmamay-ari nito, ang Tagapaglikha nito at ang Tagapanustos nito, at na Siya ang tunay na Nagkakaloob ng buhay, ang Nagbabawi ng buhay, ang Nagbibigay ng kapakinabangan, ang Nagdudulot ng kapinsalaan, na Siyang nagmamay-ari ng lahat ng bagay, nasa Kanyang Kamay ang lahat ng kabutihan, at Siya ang May Kakayahan sa lahat ng bagay, Siya ay walang katambal dito.



Samakatuwid, ito kung gayon ang pagtatangi sa Allah sa Kanyang mga gawain, at dahil dito kinakailangang paniwalaan:


Na ang Allah lamang ang Nagiisang Tagapaglikha ng lahat ng nasa sansinukob na ito, at walang ibang Tagapaglikha maliban sa Kanya. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {Ang Allah ang Tagapaglikha ng lahat ng bagay}. Surah Az-Zumar (39): 62

Samantalang ang gawa ng tao ay isa lamang paglilipat, pagkakabit-kabit o pagsasaayos mula sa isang anyo [hugis] patungo sa iba, at [ito ay hindi pagpapahiwatig] ng likas na paglilikha o paglikha mula sa kawalan, ni hindi rin [ito pagpapatunay o pagpapahiwatig] ng pagkakaloob ng buhay pagkatapos ng kamatayan.


Siya ang Tagatustos ng kabuhayan sa lahat ng mga nilalang at walang nang iba pang nagtutustos maliban pa sa Kanya. Batay sa sinabi ng Kataastaasang (Allah): {At walang nilikha na gumagalaw sa kalupaan maliban na ang Allah ang tumutustos sa kanya}. Surah Hud (11): 6


At Siya ang Nagmamay-ari ng lahat ng bagay, at sa katotohanan wala nang Nagmamay-ari maliban sa Kanya. Kung saan ay sinabi ng Maluwalhating Allah: {Ang Allah ang nagmamayari ng kaharian ng mga kalangitan at kalupaan, at ng anumang napapaloob dito}. Surah Al-Maidah (5): 120


Siya ang Tagapangasiwa ng lahat ng bagay at wala nang ibang tagapangasiwa bukod sa Allah. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang Allah: {Siya ang nangangasiwa sa (lahat ng) pangyayari mula sa kalangitan tungo sa kalupaan}. Surah As-Sajdah (32). 5

Samantalang ang pangangasiwa ng tao sa mga bagay na ukol sa kanya, sa kanyang buhay at pagsasaayos nito, samakatuwid, ito ay nakahangga lamang sa mga bagay na kanyang pag-aari at sa kakayahan niya sa pamamagitan ng kanyang kamay at maaaring magtagumpay [o lumago] ang naturang pangangasiwa at maaari rin namang mabigo. Datapuwa’t ang pangangasiwa ng Tagapaglikha na Tigib ng kaluwalhatian at Kataas-taasan ay pangkalahatan, walang nakalalabas dito na anuman, at naipapatupad nang walang nakahahadlang na anuman bukod sa Kanya at walang nakasasalungat sa Kanya na anuman. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang Allah: {Katotohanang sa Kanya ang pagmamay-ari ng [kakayahan ng] paglikha at ng paguutos. Maluwalhati ang Allah, ang Panginoon ng lahat ng mga nilikha}. Surah Al-A`raf (7): 54



{At walang nilikha na gumagalaw sa kalupaan maliban na ang Allah ang Siyang tumutustos sa kanyang ikinabubuhay}. Surah Hud (11): 6


Ang mga arabong Mushrik (mapagtambal sa Kaisahan ng Allah) sa kapanahunan ng Sugo ng Allah ay naniniwala sa Allah bilang Panginoon:


Tinanggap ng mga di-naniniwala sa panahon ng Sugo ng Allah ﷺ na ang Allah ang Siyang Tagapaglikha, Tagapagmamayari at Tagapangasiwa, nguni’t sila ay hindi naturingan bilang mga Muslim. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {At kung sila ay iyong tatanungin [O Muhammad]: “Sino ang lumikha ng mga kalangitan at kalupaan?”, katiyakang sila ay magsasabi: “Ang Allah”}. Luqman (31): 25

Sapagka’t sinuman ang tumanggap na ang Allah ang Panginoon ng lahat ng nilalang, ibig sabihin ay Siya ang kanilang Tagapaglikha, Tagapagmamay-ari at Tagapangasiwa sa pamamagitan ng Kanyang mga biyaya: Ipinag-utos sa kanya [bilang tungkulin] na sa Allah lamang tanging ipagkaloob ang [lahat ng uri ng] pagsamba at sa Kanya lamang ito ituon at ilaan], nang walang pagtatambal sa Kanya.

At paano nga ba matatanggap ng makatuwirang isip na ang isang tao ay kumikilala sa Allah bilang tunay na Tagapaglikha sa lahat ng bagay, Tagapangasiwa ng sansinukob, ang Nagkakaloob ng buhay, ang Bumabawi ng buhay, at sa kabila nito, ay kanyang ibinabaling ang isa sa mga uri ng Ibaadah (gawaing pagsamba) sa iba pa bukod sa Kanya? Ito ang pinakamasamang antas ng kawalang katarungan at pinakamalaking kasalanan. Kung bakit sinabi ni Luqman sa kanyang anak na lalaki, habang kanyang pinapayuhan ito at pinangangaralan: {O aking anak! Huwag kang magtambal (ng iba pa sa pagsamba) sa Allah; katotohanan, ang pagtatambal (ng iba pa sa pagsamba) sa Allah ay tunay ngang isang malaking kawalang katarungan (kamalian)}. Luqman (31): 13

Kaya nang tanungin ang Sugo ng Allah ﷺ : Ano ang pinakamalaking kasalanan sa Allah? Siya ay nagsabi: “Na ikaw ay magtalaga [o magturing] ng isang makatutulad sa Kanya, samantalang [nababatid mong] Siya ang lumikha sa iyo”. (Al-Bukhari: 4207 – Muslim: 86)




Ang Paniniwala sa Ar-Rububiyyah (Allah bilang Tanging Panginoon) ay nagbibigay ng kapanatagan ng mga puso:


Kapag nababatid ng isang alipin [tao] nang may katiyakan na walang sinuman sa mga nilalang ang maaaring lumabas [lumagpas] sa Takda ng Allah, sapagka’t ang Allah ang Siyang Tagapagmamay-ari sa kanila, Siya ang Nangangasiwa sa kanila nang ayon Kanyang kaalaman o karunungan, Siya ang Tagapaglikha sa kanilang lahat, at ang lahat ng bagay ay nilikha maliban sa Kanya kaya lahat ng mga nilikha ay mahihirap at nangangailangan sa kanyang Tagapaglikha, at ang lahat ng pag-uutos ay nasa Kanyang mga Kamay, samakatuwid walang Tagapaglikha maliban sa Kanya, at walang Tagatustos maliban sa Kanya, at walang Tagapangasiwa sa daigdig maliban sa Kanya lamang, at walang kumikilos na isang Dhurra (napakaliit na bagay) maliban sa Kanyang pahintulot at walang ibang makapagpapatigil nito maliban sa Kanyang pag-uutos: ay mananatili sa kanyang puso upang manalig at manindigan para sa Allah at tanging sa Kanya ang paghingi ng tulong at pangangailangan, at ang pag-asa sa Kanya sa lahat ng bagay ukol sa buhay niya, at ang pagharap at pakikipagsapalaran kasabay ng pag-ikot ng buhay nang buong kapanatagan, kapasiyahan at katiyakan; sapagka’t hanggang siya ay nananatiling nagsisikap sa paggawa ng mga dahilan upang matamo ang anumang ninanais sa mga bagay na ukol sa kanyang buhay, at nanalangin sa Allah upang mabigyan ng katuparan ang kanyang nilalayon, sa katunayan kanyang naipatupad ang anumang nararapat sa kanya, at dahil dito mapapanatag ang kanyang sarili sa pagmamanman sa kung ano ang nasa kamay ng ibang tao, samakatuwid ang lahat ng pag-uutos ay nasa Kamay ng Allah, Siya ay lumilikha sa anumang Kanyang naisin at napipili.


Ang Paniniwala sa Allah Bilang Tanging Panginoon ay nagdudulot ng Kapanatagan ng Mga Puso.



 

Ang Kahulugan ng Paniniwala sa Allah Bilang Nag-iisang Diyos:


Ang wagas na paniniwala na ang Allah ang Siyang tanging karapat-dapat pag-ukulan ng lahat ng uri ng Ibaadah (gawaing pagsamba), maging lantad man ito o lihim, ay nangangailangan ng pagpapatunay nito sa atin, kaya dapat nating ilaan [o ituon] sa Allah ang lahat ng uri ng Ibaadah, tulad ng panalangin, pagkatakot, pag-asa, paghingi ng tulong, pagdarasal, pagkakawanggawa at pag-aayuno. Iyan ang diwa ng Laa ilaha illallah [Walang ibang diyos na dapat sambahin maliban sa Allah]. Batay sa sinabi ng Dakilang Allah: {At ang inyong Panginoong (Diyos) ay Isang Diyos lamang. Laa ilaaha illaa Huwa (Walang ibang diyos na dapat sambahin maliban sa Kanya), ang Mahabagin, ang Maawain}. Surah Al-Baqarah (2): 163

Kaya Kanyang ipinabatid na Siya [ang Allah bilang Diyos] ay isang Diyos lamang, ibig sabihin ay Isang sinasamba lamang, kaya hindi ipinahihintulot ang magtakda [o magturing] ng iba pang diyos bukod sa Kanya, at walang dapat sambahin maliban sa Kanya.


Ang Tawhid [Pagkilala sa Allah bilang Nagiisang Tunay na Diyos) at Pagsamba sa Kanya ang Siyang Tunay na Kahulugan ng Laa ilaaha illallaah (walang Diyos na dapat sambahin maliban sa Allah)


Ang Kahalagahan ng Paniniwala sa Allah bilang Tunay at Nag-iisang Diyos:


Matutunghayan ang kahalagahan ng paniniwala sa Allah bilang tunay at nag-iisang Diyos sa maraming aspeto:

1

Ito ang tunay na layunin ng pagkalikha sa Jinn at tao, samakatuwid sila ay hindi nilikha maliban upang sila ay sumamba sa Allah lamang nang walang pagtatambal sa Kanya, kung saan ang Tigib ng Kaluwalhatian ay nagsabi: {At hindi Ko nilikha ang mga Jinn at mga Tao maliban upang Ako ay kanilang sasambahin [tanging Ako lamang]}. Surah Az-Zariyat (51): 56

2

Ito ang layunin sa pagkasugo ng mga Sugo – ipagkaloob nawa sa kanilang lahat ang kapayapaan – at pagpapahayag ng mga banal na kasulatan, samakatuwid ang layunin dito ay ang pagtanggap na ang Allah ang Siyang karapat-dapat na sinasamba, at ang pagtakwil sa lahat ng sinasamba bukod sa Allah. Batay sa sinabi ng Maluwalhating Allah: {At katotohanang Kami ay nagsugo sa bawa’t pamayanan ng isang Sugo (na nag-aanyayang): “Sambahin ninyo ang Allah [tanging Siya lamang], at iwasan ang mga Taghoot (lahat ng huwad at mga diyus-diyosan)”}. Surah An-Nahl (16): 36

3

Ito ang pangunahing tungkulin na ipinag-utos sa tao, tulad nang inilahad na habilin ng Propeta ﷺ kay Mu`ad ibn Jabal – naway kalugdan siya ng Allah – nang siya ay kanyang isugo sa Yemen na nagsasabi sa kanya: “Katotohanang ikaw ay patutungo sa mga taong nagmula sa lipon ng Angkan ng Kasulatan [Kristiyano at Hudyo], kaya ang una mong dapat na ipag-anyaya sa kanila ay ang pagsasaksi ng Laa ilaaha illallaah (walang Diyos na dapat sambahin maliban sa Allah)”. (Al-Bukhari: 1389 – Muslim: 19)
Ibig sabihin: Anyayahan mo sila tungo sa Kaisahan ng Allah sa lahat ng mga uri ng Ibaadah (gawaing pagsamba).

4

Ang Paniniwala sa Al-Uluhiyyah (ang Allah bilang Nag-iisang Diyos) ang siyang tunay na kahulugan ng Laa ilaaha illallaah (walang Diyos na dapat sambahin maliban sa Allah), samakatuwid ang kahulugan ng Al-Ilaah (ang Diyos) ay Al-Ma`bud (ang sinasamba), kaya walang dapat na sinasamba maliban sa Allah, at huwag natin ibaling [o ilaan] ang anuman sa mga uri ng Ibaadah (gawaing pagsamba) sa iba bukod sa Kanya.

5

Ang Paniniwala sa Al-Uluhiyyah (ang Allah bilang tunay at Nag-iisang Diyos) ang siyang makatuwirang bunga ng Paniniwala na ang Allah ang Siyang Tagapaglikha, ang Hari, may kalayaan gawin ang lahat ng bagay.



 

Ang paniniwala sa lahat ng pinagtibay ng Allah para sa Kanyang Sarili mula sa Kanyang Aklat o sa Sunnah (katuruan) ng Kanyang Sugo tungkol sa mga Pangalan at mga Katangian nang ayon sa marangal na pamamaraang angkop para sa Allah.

Samakatuwid, ang Dakilang Allah ang may angkin ng mga Naggagandahang Pangalan at Pinakaganap na mga Katangian, walang makatutulad sa Kanya sa Kanyang mga Pangalan at mga Katangian. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang Allah: {Walang anupaman ang makakatulad sa Kanya, at Siya ang Lubos na Nakakarinig, ang Ganap na Nakakakita}. Surah AshShura (42): 11

Samakatuwid, ang Allah ay malayong maitutulad sa alinman sa Kanyang mga nilikha sa lahat ng Kanyang mga Pangalan at mga Katangian.


Ang Ilan sa Mga Pangalan ng Allah:


Ang Allah ay nagsabi: {Ar-Rahman (ang Mahabagin), Ar-Rahim (ang Maawain)}. Surah Al-Fatihah (1): 3

At sinabi pa ng Kataas-taasang (Allah): {At Siya ang As-Sami` (ang Lubos na Nakakarinig), Al-Basir (ang Ganap na Nakakakita)}. Surah Ash-Shura (42): 11

At sinabi pa ng Kataas-taasang (Allah): {At Siya ang Al-Aziz (ang Sukdol sa Kapangyarihan), ang Al-Hakim (ang Tigib ng Karunungan)}. Surah Luqman (31): 9

At sinabi pa ng Kataas-taasang (Allah): {Allah! Laa ilaaha illaa Huwa (Wala ng iba pang diyos na dapat sambahin maliban sa Kanya). Al-Hayyu (ang Laging Buhay), AlQayyum (ang Tagapagtaguyod ng lahat)}. Surah Al-Baqarah (2): 255

At sinabi pa ng Kataas-taasan (Allah): {Ang lahat ng pagpupuri at pasasalamat ay sa Allah (ang Tunay na Diyos), ang Panginoon ng lahat ng nilalang}. Surah Al-Fatihah (1): 2



Ang Mga Bunga ng Paniniwala sa Mga Pangalan ng Allah at sa Kanyang mga Katangian:


1

Ang pagkakilala sa Allah. Kaya sinuman ang naniwala sa mga Pangalan ng Allah at sa Kanyang mga Katangian ay nararagdagan ang pagkakakilala sa Allah, kaya mararagdagan din ang kanyang pananampalataya [at paniniwala] sa Allah nang wagas, at lalakas ang kanyang pagsamba sa Allah (Tawheed), at isang karapatan ng sinumang nakaalam sa mga Pangalan ng Allah at Kanyang mga Katangian na mapuno ang kanyang puso bilang pagdakila, pagmamahal at pagpapakumbaba sa Kanya na Tigib ng Kaluwalhatian at Kataas-taasan.

2

Ang pagpuri sa Allah sa pamamagitan ng pagbanggit sa Kanyang mga Naggagandahang Pangalan nang palagian, at ito ang pinakamainam sa mga uri ng pagbibigay-alala [o paggunita] sa Kanya. Sinabi ng Kataas-taasan: {O kayong mga naniniwala! Alalahanin ninyo ang Allah nang madalas [o palagiang] pagaalaala }. Surah Al-Ahzab (33): 41

3

Ang paghingi ng tulong sa Allah at pagdalangin sa Kanya sa pamamagitan ng Kanyang mga Pangalan at mga Katangian. Batay sa sinabi ng Dakilang Allah: {At taglay ng Allah ang mga Naggagandahang Pangalan, kaya manalangin kayo sa Kanya sa pamamagitan nito}. Surah Al-A`raf (7): 180
Ang halimbawa nito, na manalangin kayo sa Kanya sa pamamagitan ng pagsabi: Yaa Razzaaq Urzuqni (O Tagatustos, tustusan Mo po ako), Yaa Tawwaab Tub `alaiya (O Tagatanggap ng pagsisisi, tanggapin Mo po ang aking pagsisisi), at Yaa Raheem Irhamni (O Mahabagin, kahabagan Mo po ako).





> Ano ang Kahulugan ng Ibaadah (gawaing pagsamba)?


Ang Ibaadah: Ito ay isang katawagan na sumasaklaw sa lahat ng mga kinasisiyahan at kinalulugdan ng Allah mula sa mga salita at mga gawain na Kanyang ipinag-uutos at ipinag-aanyaya sa sangkatauhan, maging ito ay mula sa mga gawaing lantad, tulad ng Salaah (pagdarasal), Zakaah (kawanggawa) at Hajj (pagdalaw sa Makkah), o mga gawaing nakalingid tulad ng pagmamahal sa Allah at sa Kanyang Sugo ﷺ , pagkatakot sa Allah, pag-asa sa Allah, ang paghingi ng tulong sa Kanya at iba pa rito. 



Ang Ibaadah (pagsamba) sa Lahat ng Mga Kalakaran ng Buhay:



Ang Ibaadah ay sumasaklaw sa lahat ng mga gawa o ikinikilos ng isang Naniniwala na ang kanyang layunin dito ay ang mapalapit sa Allah, samakatuwid ang Ibaadah sa Islam ay hindi lamang nakatuon sa mga kilalang ritwal, tulad ng pagdarasal, pag-aayuno at mga katulad nito, bagkus ang mga gawaing kapaki-pakinabang na may kaakibat na mabuting layunin at wastong hangarin ay isinasaalang-alang bilang Ibaadat (mga gawaing pagsamba) at ang tao ay ginagantimpalaan dito. Samakatuwid kung ang isang Muslim ay kumain o uminom o natulog nang may layuning lumakas at lumusog upang matatag niyang magampanan ang pagsunod sa Allah; sa katotohanan siya ay ginagantimpalaan para rito. At dahil dito ang isang Muslim ay nabubuhay sa kabuuan ng kanyang buhay para sa pagtalima sa Allah, siya ay kumakain upang pag-ibayuhin ang kanyang pananampalataya para sa pagsunod sa Allah, magkagayon ang kanyang pagkain na may ganitong layunin ay nagiging Ibaadah, gayundin naman ang kanyang pag-aasawa upang mapangalagaan ang kanyang sarili sa ipinagbabawal, kaya ang kanyang pag-aasawa ay nagiging Ibaadah, at dahil sa ganitong layunin ang kanyang kalakalan, trabaho at kinikitang kayamanan ay nagiging Ibaadah, gayundin ang kanyang pagtamo ng karunungan, katibayan [o diploma], pagsasaliksik, pagtutuklas at pag-iimbento ay nagiging Ibaadah, gayundin ang pangangalaga ng isang babae sa kanyang asawa, mga anak at tahanan ay nagiging Ibaadah, at gayundin naman sa lahat ng aspeto ng buhay, ang kanyang mga gawain at kapaki-pakinabang na mga bagay ukol sa kanya hanggang ang lahat ng ito ay may kalakip na mabuting layunin at magandang hangarin.


> Ang lahat ng mga gawain na may kalakip na tamang layunin ay itinuturing bilang mga Ibaadah (gawaing pagsamba) na ginagantimpalaan ang tao sa mga ito.




Ang Ibaadah (pagsamba) ang siyang wagas na layunin sa paglikha:



Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {At hindi Ko nilikha ang mga Jinn at mga tao kundi upang Ako ay kanilang sambahin lamang, hindi Ako naghahangad ng anumang panustos mula sa kanila, at hindi Ako naghahangad sa kanila na Ako ay kanilang pakainin. Katotohanang ang Allah ang Tagapanustos, ang Nag-aangkin ng Pambihirang Lakas, na Hindi Nagwawakas}. Surah Az-Zariyat (51): 56-58

Kaya ipinabatid ng Maluwalhating Allah na ang wagas na layunin ng Kanyang paglikha sa mga Jinn at mga tao ay upang kanilang itaguyod ang pagsamba sa Kanya, bagaman Siya ay walang pangangailangan sa kanilang pagsamba sa Kanya. Katotohanan, sila ang nangangailangan sa pagsamba sa Kanya, sapagka’t sila ang may pangangailangan sa Allah.

At kapag pinabayaan ng tao ang layuning iyon at siya ay nalulong sa kaakit-akit na karangyaan ng mundo nang walang pag-aalaala sa banal na layunin ng pagkakalikha sa kanya, siya ay magmimistulang isang nilalang na walang kaibahan mula sa iba pang mga nilalang sa planetang ito, sapagka’t ang mga hayop ay kumakain at naglilibang din bagaman ang mga ito ay hindi kailanman mananagot sa Araw ng Paghuhukom hindi katulad ng mga tao. Sa katunayan ang Kataas-taasang Allah ay nagsabi:

{Nguni’t yaong mga di-naniwala ay nasisiyahan [sa mundong ito] at [sila ay] nanginginaing tulad ng panginginain ng mga hayop. Subali’t ang Apoy ang magiging kanlungan para sa kanila [sa kabilang buhay]}. Surah Muhammad (47): 12.

Katotohanang sila [mga taong di-naniwala] ay itinulad sa mga hayupan sa mga gawa nito at mga layunin, nguni’t sila [mga di-naniniwala] ay mananagot sa anumang kanilang ginagawa sa dahilang sila ay may pag-iisip na marunong makaunawa na sadyang kaiba sa mga hayupan na walang pang-unawa



Ang mga Haligi ng Ibaadah (gawaing pagsamba):



Katotohanan, ang Ibaadah na ipinag-uutos ng Allah ay nakatayo batay sa dalawang napakahalagang haligi:

Una: Ang Kababaang-loob at Ganap na Pagkatakot [sa Allah].

Pangalawa: Ang Ganap na Pagmamahal sa Kanya – [Kaluwalhatian sa Kanya].

Samakatuwid ang Ibaadah na itinakda ng Allah para sa Kanyang mga alipin ay [isang tungkuling] nangangailangan ng ganap na pagsuko sa Allah, pagpapakumbaba sa Kanya at pagkatakot sa Kanya, na may lakip na pagmamahal, pag-asam at pag-asa sa Kanya rito.

At dahil dito, samakatuwid ang pagmamahal na walang kalakip na pagkatakot at pagpapakumbaba halimbawa ay tulad lamang ng pagmamahal sa pagkain at kayamanan – ay hindi [maituturing bilang] Ibaadah, gayundin ang pagkatakot na walang pagmamahal – tulad ng pagkatakot sa mabangis na hayop at mapaniil na hukom – hindi ibinibilang na Ibaadah, kaya kapag nagsanib o nagsama ang takot at pagmamahal sa isang gawain ay nagiging Ibaadah, at ang Ibaadah (pagsamba) ay walang dapat pagtuunan maliban sa Allah lamang.

> Isinasakondisyon sa pagkawasto ng Ibaadah (gawaing pagsamba) ang pagiging tapat sa Allah at ang pagsunod sa Kanyang Sugo.



Ang Mga Patakaran ng Ibaadah (Pagsamba):



  • Ang Dalawang Patakaran ng Ibaadah Upang ito ay matanggap at tama ay ang mga sumusunod:
    • 1

      Ang Tuwirang Pagtuon ng Pagsamba sa Allah Nang Walang Pagtatambal [sa Kanya]


    • 2

      Ang Pagsangayon at Pagsunod sa Sunnah (katuruan) ng Sugo ng Allah ﷺ

Batay sa sinabi ng Kataas-taasang Allah: {(Mali ang kanilang pag-aakala!), Bagkus sinumang isinuko ang kanyang mukha (sarili) sa Allah habang siya ay Muhsin (mapaggawa ng kabutihan), kung gayon, para sa kanya ay gantimpala mula sa kanyang Panginoon, at sa kanila ay walang [mararanasang pangamba [o takot] at sila ay walang madaramang kalungkutan}. Surah Al-Baqarah (2): 112
Ang Kahulugan ng (isinuko ang kanyang mukha [sarili] sa Allah): Ibig sabihin ay napatunayan niya ang Tawheed (Kaisahan ng Allah), kaya nagawa niyang ituon ang pagsamba sa Allah.
At ang kahulugan ng (habang siya ay [Muhsin] mapaggawa ng kabutihan): Ibig sabihin ay sumusunod sa Batas ng Allah at sa anumang nailahad sa Sunnah ng Sugo ng Allah ﷺ.



Ang pagsunod sa Sunnah (katuruan) ng Propeta ﷺ ay nakatuon lamang sa mga Ibaadah (gawaing pagsamba), tulad ng pagdarasal, pag-aayuno at paggunita sa Allah at iba pa. Nguni’t ang pangkahalatang kahulugan ng Ibadah, halimbawa nito ay ang mga nakaugalian at mga kilos ng isang Muslim ang Niyyah (layunin) nito ay kanyang isinasaayos upang matamo ang gantimpala mula sa Allah, tulad ng pagsasanay sa larangan ng palakasan [sport] upang siya ay maging malusog at malakas para sa pagsunod sa Allah, o ang kanyang pagsasanay sa pangangalakal upang kanyang gugulin ito para sa kabutihan ng kanyang pamilya at ng mga anak, dito ay hindi kailangan ang pagsunod [sa Sunnah], bagkus sapat na ang kawalan ng pagsalungat at hindi umaakay tungo sa mga gawaing ipinagbabawal [ng Islam at ng Sunnah]. 

> Ang Shirk (Pagtatambal sa Kaisahan ng Allah)


  • Ang Shirk (pagtatambal) ay nagpapawalang-bisa sa paniniwala sa Kaisahan ng Allah. Kung ang paniniwala sa Kaisahan ng Allah at ang pagtatangi sa Allah sa pagsamba ang siyang pinakamahalaga at pinakadakila sa lahat ng mga tungkulin [ng tao], magkagayon ang Shirk naman ang pinakamalaki sa mga pagkakasalang ginagawa ng tao sa Dakilang Allah, sapagka’t ito ang nagiisang kasalanan na hindi pinapatawad ng Allah maliban sa pamamagitan ng wagas na pagsisisi. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah):  

    {Katotohanang ang Allah ay hindi nagpapatawad (sa kasalanan) ng pagtatambal sa Kanya (sa pagsamba), datapuwa’t Siya ay nagpapatawad bukod dito sa sinumang Kanyang naisin}. Surah An-Nisa’ (4): 48

    At nang tanungin ang Sugo ng Allah ﷺ kung ano ang pinakamalaking kasalanan [ng tao] sa Allah? Siya ﷺ ay nagsabi: “Ang ikaw ay magtakda ng kawangis [o ng pagtatambal] sa Allah na Siyang lumikha sa iyo”. (Al-Bukhari: 4207 – Muslim: 86)

  • Samakatuwid, ang Shirk ay sumisira sa mga gawaing pagsunod at pinapawalang saysay ang mga ito. Batay sa sinabi ng Maluwalhating Allah: {Datapuwa’t kung sila ay nagtambal (sa Kaisahan ng Allah), ang lahat ng kanilang mga ginawa ay mawawalan ng saysay sa kanila}. Surah Al-An`am (6): 88

    At itinakda para sa mga tumatangkilik at nagtataguyod ng Shirk na sila ay mananatili sa Apoy ng Impiyerno magpakailanman. Kung saan ay sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {Katotohanan, ang sinumang magtakda ng pagtatambal sa pagsamba sa Allah, katotohanang ipagkakait ng Allah sa kanya ang Paraiso at ang Apoy ang kanyang magiging hantungan }. Surah Al-Maidah (5): 72



Ang Shirk ay May Dalawang Uri, Malaki at Maliit:


  1. Ang malaking Shirk: Ito ay ang pagtuon ng isang alipin sa isa sa mga gawaing pagsamba sa iba bukod sa Allah, samakatuwid ang bawa’t salita o gawa na kinalulugdan [at minamahal] ng Allah, ay ang pagtuon nito [ng tao] sa Allah hinggil sa Kaisahan at paniniwala, samantalang ang pagtuon nito [ng tao] sa iba bukod sa Kanya ay tanda ng Shirk (pagtatambal) at [pagpapahiwatig ng] Kufr (kawalan ng paniniwala sa Kaisahan ng Allah] .

    At ang halimbawa ng Shirk na ito: Ang manghingi ng tulong sa iba kaysa sa Allah o manalangin upang lunasan ang kanyang karamdaman o palawakin ang kanyang panustos, o siya ay magtiwala [o umasa at manalig] sa iba kaysa sa Allah, o magpatirapa sa iba kaysa sa Allah.

    Sinabi ng Kataas-taasang Allah: {At ang inyong Panginoon ay nagsabi: “Manalangin kayo sa Akin, [at] Ako ay tutugon sa inyo (sa inyong mga panalangin)}. Surah Ghafir (40). 60

    At sinabi pa ng Kataas-taasang Allah: {At sa Allah lamang ninyo iukol ang inyong pagtitiwala [o pananalig], kung tunay ngang kayo ay mga naniniwala}. Surah Al-Ma`idah (5): 23

    At sinabi pa ng Kataas-taasang (Allah): {Kaya magpatirapa kayo sa Allah at Siya ay inyong sambahin (tanging Siya lamang)}. Surah An-Najm (53): 62 

    Kaya sinuman ang magtuon [ng pagsamba] sa iba kaysa sa Allah, siya ay naging isang Mushrik (mapagtambal sa Kaisahan ng Allah), na itinuturing bilang isang Kafir (hindi naniniwala).

  2. Ang Maliit na Shirk: Ito ay ang lahat ng salita o gawain na naghahatid tungo sa malaking Shirk, at nagsisilbing daan sa pagkasadlak dito.

    At ang halimbawa nito: Ang pakitangtao [Riya’ ], tulad ng kanyang pagpapahaba minsan ng Salaah [pagdarasal] upang siya ay makita ng mga tao, o kanyang itataas ang kanyang tinig sa pagbabasa o sa pagsambit ng Dhikr (pag-aalala sa Allah) minsan upang siya ay marinig ng mga tao at nang siya ay kanilang purihin. Batay sa sinabi ng Sugo ng Allah ﷺ : “Katotohanan ang higit kong ikinatatakot sa inyo ay ang maliit na Shirk (pagtatambal)”. Sila ay nagsabi: Ano po ang maliit na Shirk, O Sugo ng Allah? Siya ay nagsabi: “Ar-Riya’ (ang pagpapakitang tao)”. (Ahmad: 23630)

    Samantalang kung siya ay nagdasal o nag-ayuno para lamang ipakita sa mga tao, samakatuwid, ito ay gawain ng mga Munafiqun (mapagkunwari), at ito ang malaking Shirk (pagtatambal sa Allah) na naghahatid sa kanya upang mapatiwalag sa Islam.



Itinuturing ba ang paghingi ng tulong sa mga tao at ang pagsusumamo sa kanila bilang isang Shirk?



Katotohanan, ang Islam ay dumating upang palayain ang isip ng tao mula sa pamahiin [haka-haka] at kasinungalingan, at ang pagpapalaya sa kalooban nito mula sa pagpapakumbaba sa iba maliban pa sa Allah.

Samakatuwid, hindi ipinahihintulot kailanman ang paghingi ng tulong sa isang patay o walang buhay, gayundin ang pagpapasailalim at pagpapasakop sa kanya, sapagka’t ito ay kabilang sa pamahiin at Shirk.

Samantalang ang paghingi ng tulong sa isang buhay at nasa kanyang harapan sa abot nang kanyang kakayahan, tulad ng kanyang pagtulong o pagligtas sa isang nalulunod o ang paghiling rito na manalangin sa Allah para sa kanya, samakatuwid ito ay ipinahihintulot.


  • Ang pamamalimos ba at ang paghingi ng tulong sa isang walang buhay [tulad ng bato o estatuwa] o patay [na tao]?
    • Oo

      Ito ay Shirk na sumasalungat sa Islam at paniniwala, sapagka’t ang patay at walang buhay ay walang kakayahang makarinig sa paghihingi ng tulong, gayundin sa pagtugon dito. Ang panalangin ay Ibaadah (pagsamba), kaya ang pagbaling nito sa iba maliban sa Allah ay Shirk. Sa katotohanan, ang Shirk (pagtatambal) ng mga Arabo sa panahon ng pagsugo ay ang kanilang pagdalangin sa mga walang buhay at mga patay.

    • Hindi

      Ang pananalangin at paghingi ng tulong sa isang buhay [tao] na nakakarinig ng iyong salita at iyong paghingi ng tulong. Siya ba ay may kakayahan sa pagsagot sa iyo tulad ng iyong paghingi ng tulong sa kanya na ikaw ay damayan at tulungan sa anumang kanyang pagmamay-ari at kakayahang gawin? 

      • Oo

        Ang ganitong paghingi ng tulong ay laganap, walang anuman. Ito ay isang bahagi lamang ng mga pakikitungo sa mga tao at pang-araw-araw na pakikipag-ugnayan nila sa isa’t isa.

      • Hindi

        Katotohanan, ang paghingi ng tulong sa isang [taong] buhay para sa mga bagay na walang kakayahan gawin ito at hindi niya pagmamay-ari, tulad ng paghingi ng tulong ng isang baog mula sa isang nabubuhay na siya ay kanyang pagkalooban ng mabuting supling, samakatuwid ito ay malaking Shirk na sumasalungat sa Islam, sapagka’t ito ay panalangin sa iba sa halip ay sa Allah.

 > Ang paghingi ng tulong sa isang buhay na nasa harapan sa abot kaya niya ay isang uri sa mga pakikipag-ugnayan sa mga tao at isang paraan na pang-araw-araw na pakikitungo ng bawa’t isa ay ipinahihintulot.


Ang Mga Pinakamataas na Antas ng Eeman (Pananampalataya)


Ang Mga Pinakamataas na Antas ng Eeman (Pananampalataya):


Ang Eeman ay may mga antas. Nababawasan ang Eeman [pananampalataya] ng isang Muslim ayon sa sukat ng kanyang pagkalimot at pagsuway, samantalang nararagdagan ang Eeman [pananampalataya] nito sa tuwing nararagdagan ang pagsunod [at pagtalima] sa mga kautusan, pagsamba at pagkatakot sa Allah.

At ang pinakamataas sa mga antas ng Eeman [pananampalataya] ay ang tinatawag sa Batas ng Islam na Al-Ihsan (ang pagsasagawa ng pagsamba nang buong husay at wagas). Sa katunayan, ito ay ipinaliwanag ng Propeta ﷺ sa kanyang sinabi: “[Ang Ihsan] ay pagsamba sa Allah na wari bang Siya ay iyong nakikita, bagaman Siya ay hindi mo nakikita, katotohanang ikaw ay Kanyang ganap na nakikita”. (Al-Bukhari: 50 – Muslim: 8)

Kaya alalahanin na sa iyong pagtindig, sa iyong pag-upo, sa [mga panahon ng] iyong kalakasan, sa [mga panahon ng] iyong kahinaan at sa lahat ng iyong mga kalagayan; ang Allah ay sumusubaybay sa iyo, nagmamasid sa iyo, kaya huwag mo Siyang suwayin samantalang iyong nababatid na ikaw ay Kanyang ganap na nakikita, at huwag mong hayaang ang pangamba at kawalan ng pag-asa na maghari [o mangibabaw] sa iyo, samantalang iyong nababatid na Siya ay kasama mo, at paano ka nakararamdan ng lungkot, samantalang ikaw ay nagsusumamo sa Kanya ng panalangin at pagpapala, at paano mahuhulog ang iyong sarili sa pagkakasala, samantalang ikaw ay naniniwala nang may katiyakan na Siya ay nakababatid sa iyong inililihim at inilalantad, at kung ikaw ay natisod at nagkamali, ikaw ay sumasangguni, nagbabalik-loob at humihingi ng kapatawaran, kaya tatanggapin sa iyo ng Allah ang pagsisisi.




Mga Kabutihang Ibinubunga ng Paniniwala sa Allah


Ang Ilan sa Mga Kabutihang Ibinubunga ng Paniniwala sa Allah:


1

Na ang Allah ang Siyang nagtatanggol sa mga naniniwala sa lahat ng kapahamakan, at nagliligtas sa kanila sa mga kagipitan, at nangangalaga sa kanila mula sa mga balakin ng mga kaaway. Batay sa sinabi ng Kataas-taasan (Allah): {Katotohanang ang Allah ay nagtatanggol sa mga naniniwala}. Surah Al-Hajj (22): 38

2

Na ang Eeman (pananampalataya) ang siyang nagsisilbing dahilan ng pagkakaroon ng mabuting buhay, kaligayahan at kasiyahan. Sinabi ng Kataas-taasang Allah: {Sinuman ang gumawa ng kabutihan, maging lalaki man o babae, habang siya ay naniniwala (sa Kaisahan ng Allah), katiyakang Aming igagawad sa kanya ang isang mabuting buhay (sa mundong ito)}. Surah An-Nahl (16): 97

3

Na ang Eeman (pananampalataya) ay pinalalaya ang kaisipan ng tao mula sa mga pamahiin, kaya sinuman ang naniwala sa Allah nang buong katotohanan, nagtiwala sa Allah at nanalig nang buong katapatan sa Kanya bilang Panginoon ng lahat ng nilalang, at tunay na Diyos nang walang pagtatambal. Bunga nito, siya ay walang sinumang kinatatakutan at ipinakikita ang kanyang pagsamba sa Allah lamang. Kaya pagkaraan nito siya ay nagiging malaya mula sa mga pamahiin at mga maling kaha-haka.

4

At ang Pinakamalaking Pagpapala na ibinubunga ng paniniwala sa Allah ay ang pagtamo sa lugod [pagmamahal at pagpapala] ng Allah, at ang pagpasok sa Paraiso, at ang pagkakaloob ng walang katapusang biyaya at habag ng Dakilang Allah.




Ang Paniniwala sa Mga Anghel:



Ang Kahulugan ng Paniniwala sa mga Anghel:



Ang matatag na paniniwala ng pagkakaroon ng mga Anghel, na sila ay may sariling daigdig na lingid, bukod sa daigdig ng mga tao at daigdig ng mga Jinn, at sila ay mararangal, at mga alipin ng Allah na sumasamba sa Kanya, at sila ay tumatalima at tumutupad sa lahat ng mga ipinag-uutos sa kanila, at sila ay hindi sumusuway sa Allah kailanman.

Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {Bagkus, sila (mga anghel) ay mga mararangal, Siya (Allah) ay hindi nila (mga anghel) pinangungunahan sa pagsasalita, at sila ay gumagawa nang ayon sa Kanyang pag-uutos}. Surah Al-Anbiya’ (21): 26-27

At ang paniniwala sa kanila ay isa sa anim na mga haligi ng Eeman. Sinabi ng Kataastaasang (Allah): {Ang Sugo (Muhammad) ay naniniwala sa anumang ipinahayag sa kanya mula sa kanyang Panginoon, at (gayundin) ang mga naniniwala. Ang bawa’t isa ay naniniwala sa Allah, sa Kanyang mga anghel, sa Kanyang mga Kasulatan, at sa Kanyang mga Sugo}. Surah Al-Baqarah (2): 285

At siya ﷺ ay nagsabi tungkol sa [kahulugan ng] Eeman: “Ito ay binubuo ng paniniwala sa Allah, paniniwala sa Kanyang mga Anghel, paniniwala sa kanyang mga Kasulatan, paniniwala sa Kanyang mga Sugo, paniniwala sa Huling Araw at paniniwala sa Tadhana, maging ito man ay mabuti at masama”. (Muslim: 8)



Ano ang Mga Napaloloob sa Paniniwala sa Mga Anghel?



1

Ang paniniwala na mayroong mga anghel: Kaya tayo ay dapat maniwala na sila ay tunay na mga nilikha ng Allah, umiiral nang may katotohanan, sila ay Kanyang nilikha mula sa liwanag, at sila ay Kanyang inutusan para sa pagsamba at pagsunod sa Kanya. 

2

Ang paniniwala sa pangalan ng sinumang napag-alaman natin mula sa kanilang lipon, tulad ng Anghel Jibreel (Gabriel), [nawa’y igawad sa kanya ang kapayapaan], at gayundin yaong hindi natin napagalaman ang kanilang mga pangalan, sila ay dapat nating paniwalaan sa pangkalahatang pananaw bilang katuruang ipinag-uutos ng Islam.

3

Ang paniniwala sa kanilang mga katangian na ating napag-alaman, at ang mga ilan dito ay:


• Sila ay tunay na may sariling daigdig na lingid [sa ating mga paningin], sila ay mga nilalang na [patuloy] at lagi nang sumasamba sa Allah, kaya sila ay walang anupamang taglay na katangian [upang sila ay ituring bilang nag-aangkin ng] pagkapanginoon at pagka-diyos, bagkus sila ay mga alipin [o lingkod ng Allah] na ganap na napapailalim sa pagsunod sa Allah. Batay sa sinabi ng Dakilang Allah tungkol sa kanila: {Sila ay hindi sumusuway sa Allah sa anumang Kanyang ipinag-uutos sa kanila, bagkus kanilang ginagawa ang anumang Kanyang ipinag-uutos sa kanila}. Surah At-Tahrim (66): 6


• Sila ay tunay na nilikha mula sa liwanag. Sinabi niya – ipagkaloob nawa sa kanya ang pagpapala at kapayapaan: “Nilikha ang mga anghel mula sa liwanag”. (Muslim: 2996)


• Tunay na sila ay mayroong mga pakpak. Katotohanang ipinabatid ng Allah na Siya ay lumikha sa mga anghel ng mga pakpak, sila ay magkakaiba nito sa bilang. Sinabi ng Maluwalhating Allah:

{Ang lahat ng papuri at pasasalamat ay sa Allah, ang (tanging) nagpasimula ng paglikha sa mga kalangitan at kalupaan, ang naghirang sa mga anghel bilang mga Sugo na may mga pakpak, dalawa o tatlo o apat. Siya ang nagdaragdag sa paglikha sa anumang Kanyang naisin. Katotohanang ang Allah ay may kapangyarihan sa lahat ng bagay}. Surah Fatir (35): 1


4

Ang paniniwala sa ating napag-alaman hinggil sa anumang kanilang mga gawain na kanilang ipinatutupad sa pag-uutos ng Allah, at ang ilan dito: 


• Ang inatasang mangasiwa para sa paghahatid ng Mensahe mula sa Allah tungo sa Kanyang mga Sugo – nawa’y ipagkaloob sa kanila ang kapayapaan, at ito ay si Jibreel (Anghel Gabriel) –nawa’y ipagkaloob sa kanya ang kapayapaan.


• Ang inatasang mangasiwa para sa paghugot ng mga kaluluwa, ito ay si Malakal Mawt (ang Anghel ng kamatayan) at ang kanyang mga kasamahan.


• Ang mga inatasang mangasiwa para sa pangangalaga ng gawain ng isang alipin at ang pagsulat nito, maging ito man ay mabuti o masama, at sila ang mararangal na mga tagapagsulat.



Ang Mga Mabubuting Bunga ng Paniniwala sa Mga Anghel:


Ang Paniniwala sa mga Anghel ay mayroong mga dakilang bunga sa buhay ng isang naniniwala [Muslim]. Babanggitin natin ang ilan dito, ito ay ang mga sumusunod:

1

Ang mapag-alaman natin ang Kadakilaan ng Allah, ang Kanyang Lakas at Kaganapan ng Kanyang Kapangyarihan, sapagka’t ang kadakilaan ng isang nilalang ay mula sa Kadakilaan ng Tagapaglikha, kaya bunga nito, ay nararagdagan ang ating pagpapahalaga sa Allah at higit pang pagdakila, na kung saan ang Allah ay nakalilikha ng mga anghel na may mga pakpak mula sa liwanag.

2

Ang manindigan [at matwid] sa pagsunod sa Allah, kaya sinuman ang naniwala na ang mga anghel ay nagsusulat ng lahat ng kanyang gawain, katotohanang ito ay nagbibigay sa kanya ng takot sa [parusang kanyang matatamo sa] Allah, kaya hindi niya magagawang sumuway, maging lantaran man at lihim. 

3

Ang maging matiisin sa pagsunod sa Allah, at makaramdam ng kagalakan at kapanatagan sa sandaling ang isang naniniwala ay ganap na naniniwala na siya ay may kasamang libu-libong mga anghel sa napakalawak na sansinukob na ito na nagtataguyod sa pagsunod sa Allah nang ayon sa pinakamahusay na kalagayan at pinakaganap na katayuan. 

4

Ang maging mapagpasalamat sa Allah sa Kanyang pangangalaga sa lahi ni Adam, na kung saan ay nagtakda Siya ng mga anghel na tumatayong tagapangalaga sa kanila at tagapagtanggol sa kanila.


Ipinabatid niya ﷺ na ang kalangitan ay tigib ng mga nilikhang naririto, kaya walang lugar dito maging kasing laki ng isang pulgada malibang mayroong mga anghel na nakatindig o nakayuko o nakapatirapa [sa pagsamba sa Allah].


Ang Paniniwala sa Mga Kasulatan (o Kapahayagan)



Ang Kahulugan ng Paniniwala sa Mga Kasulatan [o Kapahayagan]:



Ang matapat na paniniwala na ang Allah ay may mga Kasulatan na ibinaba [o ipinahayag] sa Kanyang mga Sugo para sa Kanyang mga alipin [mga tao], at na ang mga Kasulatan na ito ay Salita ng Allah na tunay Niyang sinalita nang angkop sa Kanyang Kaluwalhatian, at na ang mga Kasulatan na ito ay naglalaman ng katotohanan, liwanag at patnubay para sa sangkatauhan sa dalawang tahanan (sa mundo at sa kabilang buhay).

At ang paniniwala sa mga Kasulatan ay isa sa mga haligi ng Eeman (Pananampalataya). Batay sa sinabi ng Maluwalhating (Allah): {O kayong mga naniniwala! Maniwala kayo sa Allah at sa Kanyang Sugo (Muhammad), at sa Aklat (Qur’an) na Kanyang ibinaba [o ipinahayag] sa Kanyang Sugo, at sa mga Kasulatang naunang ibinaba [o ipinahayag]}. Surah An-Nisa’ (4): 136

Kaya ipinag-utos ng Allah ang paniniwala sa Kanya, sa Kanyang Sugo at sa Kasulatan na Kanyang ibinaba [o ipinahayag] sa Kanyang Sugo ﷺ at ito ay ang Qur’an, gayundin na Kanyang ipinag-utos ang paniniwala sa mga Kasulatang ibinaba [o ipinahayag] nang una sa Qur’an.

At ang Sugo ng Allah ﷺ ay nagsabi tungkol sa [kahulugan ng] Eeman (Pananampalataya): “Ang ikaw ay maniwala sa Allah, maniwala sa Kanyang mga Anghel, maniwala sa Kanyang mga Kasulatan, maniwala sa Kanyang mga Sugo at sa Huling Araw, at maniwala sa Tadhana, maging ito man ay mabuti o masama”. (Muslim: 8)

Nabubuo ang pagsusulat sa marangal na Kasulatan (Qur’an) ayon sa pinakamahusay na mga patakaran ng pagsasaayos.




Ano ang Mga Napapaloob sa Paniniwala sa Mga Kasulatan [o Kapahayagan]?



1

Ang Paniniwala na ang pagbaba [o pagpapahayag] ng mga ito ay totoong nagmula sa Allah.

2

Ang Paniniwala na ang mga ito ay Salita ng Allah –[ang Tigib ng Kaluwalhatian at Kataas-taasan].

3

Ang Paniniwala sa Mga Kasulatang pinangalanan ng Allah, tulad ng Dakilang Qur’an na ibinaba [o ipinahayag] sa ating Propetang si Muhammad ﷺ, at ang Tawrat (Torah) na ibinaba [o ipinahayag] kay Musa (Moises), ipagkaloob nawa sa kanya ang kapayapaan, at ang Injeel (Ebanghelyo) na ibinaba [o ipinahayag] kay Isa (Hesus), ipagkaloob nawa sa kanya ang kapayapaan.

4

Ang maniwala [tanggapin] sa anumang mga katotohanang napagtibay mula sa aklat na ito.





Ang Mga Kahigtan [o Kabutihan] at Katangian ng Dakilang Qur’an:



Katotohanang ang Dakilang Qur’an ay siyang Salita ng Allah na ibinaba [o ipinahayag] sa Propeta at ang huwaran natin na si Muhammad ﷺ, kaya pagkaraan nito, ang isang naniniwala ay nararapat na dakilain ang Aklat na ito at magsumikap upang maitaguyod [at magampanan] ang mga alituntunin nito, gayundin ang pagbabasa nito at ang pagmumuni-muni [sa mga aral at babala] nito.

At sapat na, na ang Qur’an na ito ang siyang patnubay natin sa mundo, at siyang dahilan ng tagumpay natin sa Huling Araw:


At ang Dakilang Qur’an ay nagtataglay ng maraming kahigtan [o kabutihan] at iba’t ibang katangian na namumukod sa iba pang mga naunang banal na Kasulatan, ang mga ilan dito ay:

1

Katotohanang ang Dakilang Qur’an ay naglalaman ng pinakabuod ng makadiyos na mga batas, at ito ay dumating bilang isang pagpapatibay at pagpapatunay sa lahat ng mga naunang Kasulatan hinggil sa paguutos sa pagsamba sa Allah lamang.

Ang Allah ay nagsabi: {At Aming ibinaba sa iyo [O Muhammad] ang Aklat (Qur’an) sa katotohanan, na nagpapatunay sa mga Kasulatang nauna pa rito at tumatayo [bilang] saksi rito}. Surah Al-Ma`idah (5): 48

At ang kahulugan ng: {Na nagpapatunay sa mga Kasulatang una pa rito}: Ibig sabihin ay sumasang-ayon sa anumang mga salaysay na naipahayag sa mga naunang Kasulatan at sa anumang mga naipahayag dito na mga paniniwala at iba pang mga kautusan, at ang kahulugan naman ng {At tumatayo [bilang] saksi rito}: Ibig sabihin ay bilang isang katibayan at saksi sa mga naunang Kasulatan dito.

2

Na tungkulin ng lahat ng mga tao sa iba’t-ibang mga wika at lahi na sundin [at panghawakan] ito at tuparin ang mga kahilingan nito gaano man katagal ang pagkahuli ng kanilang panahon sa panahon ng pagpapahayag sa Qur’an, kaiba sa mga naunang Kasulatan sapagka’t ang mga naunang kasulatan ay para sa natatanging mga tao lamang sa gayong natatanging panahon. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {At ipinahayag sa akin itong Qur’an upang kayo ay aking bigyang-babala sa pamamagitan nito at ang sinumang abutan [ng mensahe nito]}. Surah Al-An`am (6): 19

3

Katotohanang ang Allah ang Siyang nangangasiwa sa pangangalaga sa Qur’an, kaya walang kamay ang maaaring makaabot nito upang magdulot ng kabaluktutan at kailanman ay hindi makaaabot dito. Batay sa sinabi ng Maluwalhati: {Katotohanang Kami ang nagbaba ng Dhikr (ang Qur’an) at katiyakan na ito ay Aming pangangalagaan [mula sa mga katiwalian]}. Surah Al-Hijr (15): 9 


At dahil dito, katotohanang ang lahat ng salaysay nito ay tama, nararapat paniwalaan.


Ano ang tungkulin natin para sa Banal na Qur’an?
  • Ginawang isang tungkulin para sa atin ang pagmamahal sa Qur’an, ang pagdakila sa kahalagahan nito at ang paggalang dito, sapagka’t ito ay Salita ng Tagapaglikha, na Lubos na Makapangyarihan at Kapitapitagan. Samakatuwid, ito ang pinakamakatotohanang Salita at pinakamainam.
  • Ginawang isang tungkulin para sa atin ang pagbigkas at pagbabasa nito, na may pagmumuni-muni sa mga talata at kabanata nito, kaya magmuni-muni tayo sa mga aral [at babala] ng Qur’an, gayundin sa mga salaysay at mga kasaysayan nito, at isalang natin dito ang buhay natin upang maging maliwanag sa atin ang Katotohanan sa Kabulaanan.
  • At ginawang isang tungkulin para sa atin ang pagsunod sa mga batas nito, at ang pagpapatupad sa mga pinag-uutos nito at sa mga [aral hinggil sa] kabutihang-asal nito, at itinalaga ito bilang isang panuntunan para sa buhay natin.

At nang tanungin si Aishah – kalugdan nawa siya ng Allah – tungkol sa pag-uugali ng Propeta ﷺ, siya ay nagsabi: “Ang kanyang pag-uugali ay ang Qur’an”. (Ahmad: 24601 – Muslim: 746)

Ang kahulugan ng Hadith: Katotohanang ang Sugo ng Alalh ﷺ, sa kanyang buhay at mga gawain, ay nagsilbing pamantayan sa aktuwal na pagpapatupad ng mga alituntunin at batas ng Qur’an. Sa katunayan, nabigyan niya ﷺ ng katotohanan ang kaganapan ng pagsunod sa patnubay ng Qur’an, at siya ang magandang halimbawa upang sundin ng bawa’t isa sa atin. Batay sa sinabi ng Maluwalhati: {Katotohanang nasa sa inyo sa Sugo ng Allah (Muhammad) ang isang magandang halimbawa ng sinumang umaasa (sa pakikipagtagpo) sa Allah at sa Huling Araw, at lagi nang nag-aalaala sa Allah}. Surah AlAhzab (33): 21




Ano ang Katayuan Natin Tungkol sa kung ano ang nasa mga naunang Kasulatan?



Ang isang Muslim ay naniniwala na ang Tawrat (Torah) na ibinaba [at ipinahayag] kay Musa (Moises) – ipagkaloob nawa sa kanya ang kapayapaan, at ang Injeel (Ebanghelyo) na ibinaba [at ipinahayag] kay Isa (Hesus) – ipagkaloob nawa sa kanya ang kapayapaan, ay totoong nagmula sa Allah, at katotohanang kapwa nitong nasasaklawan ang mga batas, mga aral at mga balita upang patnubayan ang sangkatauhan at bigyang liwanag ang kanilang pamumuhay, sa mundong ito at sa Huling Araw.

Nguni’t ipinabatid ng Allah sa pamamagitan ng Qur’an na ang Angkan ng Kasulatan mula sa lipon ng mga Hudyo at Kristiyano ay kanilang binago ang kanilang mga Kasulatan, kanilang dinagdagan ito at binawasan, kaya ang mga ito ay hindi na nananatili (mula sa dating orihinal na kapahayagan) tulad ng pagkakababa nito ng Allah.

Samakatuwid, ang Tawrat (Torah) na umiiral sa ngayon ay hindi na ang dating Tawrat na ibinaba [at ipinahayag] kay Musa (Moises) – ipagkaloob nawa sa kanya ang kapayapaan, sapagka’t ito ay pinalitan [o binago] ng mga Hudyo, at kanilang pinaglaruan ang karamihan sa mga alituntunin nito, ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {Kabilang sa mga Hudyo ay yaong binabaluktot ang mga salita [o kahulugan] mula sa [tamang] kalagayan [o kahulugan o paggamit]}. Surah An-Nisa’ (4): 46

At gayundin naman ang Injeel (Ebanghelyo) na umiiral sa ngayon, hindi ito ang dating Injeel na siyang ibinaba [at ipinahayag] kay Isa (Hesus) – ipagkaloob nawa sa kanya ang kapayapaan, sapagka’t tunay na binago ng mga Kristiyano ang Injeel, at kanilang pinalitan ang karamihan sa mga alituntunin nito. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi tungkol sa mga Kristiyano:

{At katotohanan, kabilang sa kanila ay isang pangkat na binabago ang [kahulugan ng] Aklat [kapahayagan] sa pamamagitan ng [maling pagbigkas sa] kanilang mga dila upang inyong isipin na ito ay nagmula sa Aklat, subali’t ito ay hindi nagmula sa Aklat. At sila ay nagsasabing: “Ito ay nagmula sa Allah,” subali’t ito ay hindi nagmula sa Allah. At sila ay nagsasalita ng kasinungalingan laban sa Allah bagaman [ito ay] kanilang nalalaman}. Surah Al-`Imran (3): 78

{At kabilang niyaong mga nagsasabing, “Kami ay mga Kristiyano,” Aming kinuha [at tinanggap] ang kanilang kasunduan, subali’t sila ay nakalimot sa isang [mahalagang] bahagi ng anumang [aral na] ipinaalala sa kanila. Kaya, Aming pinangyaring [umiral ang masidhing] suklam at poot sa kanilang pagitan hanggang sa [pagsapit ng] Araw ng Pagkabuhay na Muli at sa kanila ay ipababatid ng Allah ang anumang [kasalanang] kanilang lagi nang ginagawa.} Surah Al-Maidah (5): 14

At dahil dito ay matatagpuan natin na ang tinatawag na banal na kasulatan na nasa mga kamay ng Angkan ng Kasulatan sa ngayon na napaloloob dito ang Torah at Ebanghelyo ay kinabibilangan ng napakaraming walang kabuluhang paniniwala at mga kabulaanang salaysay, at kasinungalingan na mga kasaysayan, kaya wala tayong pinaniniwalaan sa mga salaysay ng mga kasulatang ito maliban sa kung ano ang pinatunayan ng Banal na Qur’an o ng Wastong Sunnah (pahayag ng Propeta) at ating pinabubulaanan ang anumang pinabulaanan dito ng Qur’an at Sunnah, at manahimik tayo sa mga nalalabi, samakatuwid hindi natin papaniwalaan at hindi rin naman natin pabubulaanan.

At gayon pa man iginagalang ng isang Muslim ang mga Kasulatang iyon, hindi niya hinahamak at nilalapastangan; sapagka’t sa kabuuan, tunay na naglalaman pa rin ito ng ilan sa mga nalalabing Salita ng Allah na hindi pa rin nabago.

Ang isang Muslim ay naniniwala na ang Tawrat (Torah) at Injeel (Ebanghelyo) ay ibinaba mula sa Allah, nguni’t [sa paglipas ng maraming panahon] ito ay kapwa nahaluan ng maraming pagbabaluktot at pagpapalit, at wala tayong pinapatotohanan dito maliban kung ano ang sinang-ayunan ng Qur’an at ng Sunnah.


Ang Mga Bunga ng Paniniwala sa mga Kasulatan:


Ang Paniniwala sa mga Kasulatan ay Mayroong Maraming Kabutihang Ibinubunga, ang mga ilan dito ay:

1

Ang Kaalaman na pinangangalagaan ng Allah ang Kanyang mga alipin, at sa kaganapan ng Kanyang Habag, na kung saan Siya ay nagpadala sa bawa’t pamayanan ng isang Aklat na nagpapatnubay sa kanila at nagbibigay sa kanila ng tunay na kaligayahan sa mundo at sa Huling Araw.

2

Ang pagkaalam sa wagas na layunin ng Allah sa Kanyang Batas, na kung saan ay nagtakda Siya ng Batas sa bawa’t pamayanan na aangkop sa kanilang mga kalagayan at tutugma sa kanikanilang pagkatao. Batay sa sinabi ng Allah: {Sa bawa’t pamayanan sa inyo, Kami ay nagtalaga ng isang Batas at isang panuntunan ng buhay}. Surah AlMaidah (5): 48

3

Ang pagpapasalamat sa biyaya ng Allah sa pagpapahayag sa mga Kasulatan na yaon, sapagka’t ang mga kasulatan na ito ay isang liwanag at patnubay sa mundo at sa Huling Araw, kung kaya’t pagkatapos nito marapat lamang na pasalamatan ang Allah sa mga dakilang biyayang ito.




Ang Paniniwala sa mga Sugo



Ang Pangangailangan ng Sangkatauhan sa Mensahe:



Ang sangkatauhan ay nangangailangan ng isang makadiyos na mensahe na magpapaliwanag sa kanila ng mga batas at magpapatnubay sa kanila tungo sa kabutihan [at wastong pamumuhay], sapagka’t ang Mensahe ang siyang inspirasyon [o patnubay] ng daigdig, ang liwanag at buhay nito, kaya ano pang kaayusan ang malalabi sa daigdig kapag nawala ang inspirasyon [o patnubay], ang buhay at ang liwanag?

At dahil dito ay tinawag ng Allah ang Kanyang Mensahe na inspirasyon [o liwanag at patnubay], sapagka’t ang inspirasyon [o liwanag at patnubay] kapag ito ay nawala, mawawalan na rin ng halaga ang buhay. Ang Allah ay nagsabi: {At sa ganito Namin ipinahayag sa iyo ang isang inspirasyon [patnubay ng Qur’an) mula sa Aming paguutos. Hindi mo batid kung ano ang Aklat, at kung ano ang Eeman [Pananampalataya]? Datapuwa’t ginawa Namin ito (Qur’an) na isang liwanag, pinapatnubayan Namin sa pamamagitan nito ang sinumang Aming naisin mula sa Aming mga alipin}. Surah Ash-Shura (42): 52

At ito ay dahil sa ang isipan kahit pa man nalalaman nito ang mabuti sa masama sa pangkalahatan, datapuwa’t sa katotohanan, hindi kayang alamin nito ang detalye niyaon at ang mga baha-bahagi nito, gayundin ang pagsasagawa ng mga Ibaadah (gawaing pagsamba) at mga pamamaraan nito maliban sa pamamagitan ng kapahayagan at mensahe.

Kaya walang landas tungo sa kaligayahan at tagumpay sa dalawang buhay [ang buhay sa mundo at buhay sa kabila] maliban na ito ay nakasalalay sa mga kamay ng Sugo, at walang landas tungo sa kaalaman hinggil sa kalinisan at karumihan sa masusing paraan maliban mula sa pamamaraan na itinuro ng Sugo, kaya sinuman ang tumalikod sa mensahe, siya ay dadapuan ng ligalig, kalungkutan at kasamaan nang ayon sa sukat ng kanyang pagsalungat at pagtalikod mula rito.




Ito ay Isa sa Mga Haligi ng Eeman (Pananampalataya):



Ang paniniwala sa mga Sugo ay isa sa anim na mga haligi ng Eeman (Pananampalataya). Ang Tigib ng Kaluwalhatian ay nagsabi: {Ang Sugo (Muhammad) ay naniniwala sa anumang ipinahayag sa kanya mula sa kanyang Panginoon, at (gayundin) ang mga naniniwala [na sumusunod sa kanya]. Ang bawa’t isa ay naniniwala sa Allah, sa Kanyang mga anghel, sa Kanyang mga Kasulatan, at sa Kanyang mga Sugo. (At sila ay nagsasabi): “Kami ay hindi nagbibigay ng pagtatangi-tangi sa pagitan ng sinuman sa Kanyang mga Sugo}. Al-Baqarah (2): 285

Samakatuwid, ipinahiwatig ng ayah [o talata] ang paniniwala sa lahat ng Sugo bilang isang tungkulin – [ipagkaloob nawa sa kanilang lahat ang pagpapala at kapayapaan], nang walang pagtatangi-tangi, kaya hindi nararapat na paniwalaan natin ang ilan sa mga Propeta at itatakwil natin ang iba, tulad ng ginagawang pagtakwil ng mga Hudyo at Kristiyano.

At siya ﷺ ay nagsabi tungkol sa Eeman (Pananampalataya): “Ang maniwala ka sa Allah, sa Kanyang mga Anghel, sa Kanyang mga Kasulatan, sa Kanyang mga Sugo, sa Huling Araw at ang maniwala ka sa Tadhana, maging ito man ay mabuti at masama”. (Muslim: 8)





Ang Kahulugan ng Paniniwala sa Mga Sugo:



Ito ay ang tapat na paniniwala na ang Allah ay tunay na nagsugo sa bawa’t pamayanan ng isang Sugo mula sa kanilang sariling lipon na mag-aanyaya sa kanila sa pagsamba sa Allah na walang pagtatambal sa Kanya, at tunay na ang lahat ng mga Sugo ay mga tapat, mga nagpapatotoo, mga banal, mga mapagkakatiwalaan, mga namamatnubay, mga napapatnubayan, at tunay nilang naihatid ang lahat ng mga naisugo sa kanila ng Allah, sila ay walang inilihim at binago, wala silang idinagdag dito na isang titik mula sa kanilang sariling kagustuhan at walang ibinawas. Batay sa sinabi ng Tigib ng Kaluwalhatian: {Kaya nga, mayroon pa bang ibang tungkulin ang mga Sugo maliban sa paghahatid ng maliwanag (na mensahe)?}. Surah An-Nahl (16): 35






Ano ang Napapaloob sa Paniniwala sa Mga Sugo?



1

Ang paniniwala na ang kanilang mensahe ay totoong nagmula sa Allah, at na ang [diwa at kabuuan ng] lahat ng mga mensahe ay nagkaisa – ito ay ang pag-aanyaya tungo sa pagsamba sa Nagiisang Diyos [ang Allah], wala Siyang katambal. Batay sa sinabi ng Maluwalhating (Allah): {At katotohanang Kami ay nagsugo sa bawa’t pamayanan ng isang Sugo (na nagpapahayag): “Sambahin lamang ninyo ang Allah, at iwasan ang mga Thagoot (lahat ng diyusdiyusan na sinasamba maliban sa Allah}. Surah An-Nahl (16): 36

At maaaring nagkakasalungat ang mga batas ng mga Propeta sa mga sangay tungkol sa ipinahihintulot at ipinagbabawal nang ayon sa anumang umaangkop sa mga pamayanan na iyon. Batay sa sinabi ng Allah: {Sa bawa’t isa sa inyo, Kami ay gumawa para sa inyo ng batas at isang malinaw na pamamaraan [na dapat tahakin]}. Surah Al-Maidah (5): 48

2

Ang paniniwala sa lahat ng mga Propeta at mga Sugo. Pinaniniwalaan natin ang sinumang pinangalanan ng Allah sa lipon ng mga Propeta, tulad halimbawa nina: Muhammad, Ibrahim (Abraham), Musa (Moises), Isa (Hesus) at Nuh (Noah), ipagkaloob nawa sa kanila ang pagpapala at kapayapaan. At tungkol naman sa kanila na hindi natin alam ang kanyang pangalan, siya ay atin ding pinaniniwalaan sa pangkalahatan, at sinuman ang nagtakwil sa mensahe ng isa sa kanila, katotohanang kanyang itinakwil silang lahat.

3

Ang patotohanan ang anumang napatunayan mula sa mga balita tungkol sa mga Sugo at sa kanilang mga kapangyarihang nakasaad sa Qur’an at Sunnah, tulad ng kasaysayan ng paghati sa dagat bilang himala para kay Musa (Moises) – ipagkaloob nawa sa kanya ang kapayapaan.

4

Ang pagpapatupad sa mga batas ng Sugo na siyang isinugo sa atin, at siya ang pinakamainam sa kanila at panghuli sa kanila: si Muhammad ﷺ.


Ang Ilan sa Mga Katangian ng Mga Sugo:
1

Sila ay tunay na mga tao, ang pagkaiba lamang nila sa iba sa kanila, sila ay itinangi ng Allah sa pamamagitan ng kapahayagan at mensahe. Ang Kataas-taasang Allah ay nagsabi: {At wala Kaming isinugo [O Muhammad] bago pa sa iyo maliban na sila ay mga lalaki (na katulad mo) na Aming binigyan ng inspirasyon}. Surah Al-Anbiya’ (21): 7

Samakatuwid, sila ay walang angking anumang katangian upang sila ay ituring bilang panginoon at diyos, sapagka’t sila ay mga tao na inabot ang kaganapan ng panglabas na kaanyuhan, gayundin na inabot nila ang pinakatugatog sa kaganapan ng mga kaugalian, gayundin na sila ang may pinakamainam na angkan sa sangkatauhan, sila ay may angkin na ibayong isip at maliwanag na pananalita na siyang nagtalaga sa kanila na karapat-dapat magpasan ng mga kahihinatnan ng mensahe at magtaguyod ng mga pasanin ng pagka-propeta.

Ang tanging dahilan ng pagtalaga ng Allah sa mga sugo mula sa lipon ng tao ay upang siya ay maging isang huwaran mula sa sarili nilang lahi, at sa gayon ang pagsunod sa Sugo at paggaya sa kanya ay naaayon sa sarili nilang kakayahan at sa abot kaya nila.

2

Sila ay itinangi ng Allah sa pamamagitan ng mensahe, samakatuwid tunay na sila ay itinangi sa pamamagitan ng pagpapahayag na hindi ipinagkaloob sa ibang tao. Batay sa sinabi ng Allah – ang Tigib sa Kaluwalhatian: {Sabihin [O Muhammad]: “Ako ay isa lamang tao na katulad ninyo; sa akin ay ipinahahayag na ang inyong Diyos ay isang diyos lamang (ang Allah)}. Surah Al-Kahf (18): 110

Samakatuwid, ang pagka-propeta at mensahe ay hindi natatamo sa pamamagitan ng wagas o kalinisan ng kaluluwa, katalinuhan at pambihirang pag-iisip, sapagka’t ang tungkulin ng pagiging propeta ay batay sa kapahintulutan ng Allah at Kanyang nababatid kung sino ang karapat-dapat italaga bilang Kanyang mga Sugo at sila ay Kanyang hinirang mula sa iba’t ibang lipon ng mga tao. Batay sa sinabi ng Kataastaasang (Allah): {Ang Allah ang higit na nakakaalam kung kanino Niya dapat ibigay ang Kanyang Mensahe}. Surah Al-An`am (6): 124

3 Katotohanang sila ay ligtas mula sa kamalian sa kanilang inihahatid [na mensahe] tungkol sa Allah, samakatuwid sila ay hindi nagkakamali sa paghahatid [ng mensahe] tungkol sa Allah, at sila ay hindi nagkakamali sa pagpapatupad ng anumang ipinahayag sa kanila ng Allah.
4 Ang katapatan, samakatuwid ang mga sugo – ipagkaloob nawa sa kanila ang kapayapaan, ay mga tapat sa kanilang mga salita at gawa. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {Ito ang ipinangako ng Pinakamahabaging (Allah), at tunay ngang ang mga sugo ay nagsasabi ng katotohanan!}. Surah Ya-Sin (36): 52
5 Ang pagkamatiyaga, katotohanang sila ay nag-anyaya tungo sa Relihiyon ng Allah bilang mga tagapaghatid ng magandang balita at tagababala, at tunay na sila ay dumanas ng iba’t ibang uri ng pamiminsala at iba’t ibang uri ng pagpapahirap, datapuwa’t sila ay nagtiyaga at pinilit na kakayanin alang-alang sa landas na mangibabaw ang Salita ng Allah. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {Kaya maging matiisin ka [O Muhammad] tulad ng pagtitiis ng mga Sugo na may matatag na hangarin}. Surah Al-Ahqaf (46): 35



Ang mga Tanda ng mga Sugo at kanilang mga kapangyarihan:



Sinuportahan ng Allah ang Kanyang mga Sugo – ipagkaloob nawa ang kapayapaan sa kanila – sa pamamagitan ng iba’t ibang uri ng mga katibayan, himala at patunay sa kanilang katapatan at pagka-propeta, at ang ilan dito ay ang pagtangkilik sa kanila sa pamamagitan ng mga kapangyarihan at maliliwanag na mga himala na wala sa kakayahan ng tao upang sa gayon ay ipagbigay-alam ang kanilang katapatan at patotoo ng kanilang pagka-propeta.

At ang tinutukoy dito na mga kapangyarihan ay: Ang mga pambihirang bagay na lagpas sa karaniwan na ipinamamalas ng Allah sa mga kamay ng Kanyang mga Propeta at mga Sugo sa paraan na hindi kaya ng tao na gumawa ng katulad nito.

At ang mga ilan dito:

  • Ang pagiging ahas ng tungkod ni Musa (Moises) – ipagkaloob nawa sa kanya ang kapayapaan.
  • Ang pagpahayag ni Isa (Hesus) – ipagkaloob nawa sa kanya ang kapayapaan, sa kanyang mga tao tungkol sa kung ano ang kanilang kinakain at kung ano ang kanilang inilalagak sa kanilang mga tahanan.
  • Ang pagkahati ng buwan para sa Propeta natin na si Muhammad ﷺ.



Ang Paniniwala ng isang Muslim tungkol kay Isa (Hesus) – ipagkaloob nawa sa kanya ang kapayapaan:



1

Siya ay tunay na isa sa pinakadakila sa mga Propeta at may mataas na katayuan, at sila ang may matatatag na pagpapasiya sa mga Sugo. Sila ay sina: Muhammad, Ibrahim (Abraham), Nuh (Noah), Musa (Moises) at `Isa (Hesus) – ipagkaloob nawa sa kanila ang pagpapala at kapayapaan. At sa katunayan, binanggit sila ng Allah sa Kanyang sinabi: {At (alalahanin) nang Aming kinuha sa mga Propeta ang kanilang Kasunduan, at sa iyo [O Muhammad], at kay Nuh (Noah), Ibrahim (Abraham), Musa (Moises), at `Isa (Hesus) na anak ni Maryam (Maria); Aming kinuha sa kanila ang isang matatag na Kasunduan}. Surah AlAhzab (33): 7

2

Si `Isa (Hesus) – ipagkaloob nawa sa kanya ang pagpapala at kapayapaan, ay isang tunay na tao mula sa angkan ni Adam (Adan), siya ay pinagkalooban ng Allah ng kalamangan at isinugo sa Angkan ng Israel at pinangyari sa kanyang mga kamay ang mga kapangyarihan, at wala siyang anumang katangian mula sa mga partikular na katangian ng pagkapanginoon at pagka-diyos. Batay sa sinabi ng Allah: {Siya (Hesus) ay hindi humigit maliban sa isang alipin lamang na Aming pinagkalooban ng biyaya, at siya ay ginawa Namin bilang isang halimbawa sa Angkan ng Israel}. Surah Az-Zukhruf (43): 59

At siya – ipagkaloob nawa sa kanya ang pagpapala at kapayapaan, ay hindi nag-utos sa kanyang mga tao na ituring siya at ang kanyang ina bilang mga diyos bukod pa sa Allah, datapuwa’t ang tanging sinabi niya sa kanila ay kung ano ang ipinag-utos sa kanya ng Allah: {Sambahin ninyo ang Allah, na aking Panginoon at inyong Panginoon}. Surah Al-Maidah (5): 117

3

Siya ay si Isa (Hesus) na anak na lalaki ni Maryam (Maria), at si Maryam na kanyang ina ay isang mabuting babae, matapat, masunurin, mapaglingkod sa kanyang Panginoon, maalaga sa kanyang pagkababae, malinis na babae, birhen, at tunay na kanyang ipinagbuntis si Isa – ipagkaloob nawa sa kanya ang kapayapaan, na walang ama sa pamamagitan ng Kapangyarihan ng Allah na Pinakamakapangyarihan, Kapita-pitagan, kaya ang pagkakalikha sa kanya sa pamamagitan ng pambihirang kapangyarihan ay walang katapusan, tulad ng pagkakalikha kay Adam (Adan) na walang ama at ina. Batay sa sinabi ng Allah: {Katotohanan, ang kahalintulad ni `Isa (Hesus) sa (paglikha sa kanya ng) Allah ay katulad ni Adam (Adan). Siya [si Hesus] ay Kanyang Nilikha mula sa alabok, at pagkatapos ay nagsabi sa kanya: “Kun (Mangyari)!” At nangyari nga [na siya ay nalikha]}.Surah Al-`Imran (3): 59

4

Katotohanang walang Sugo sa pagitan niya at kay Muhammad ﷺ, at tunay na siya ang nagbigay ng magandang balita tungkol sa Propeta natin na si Muhammad – ipagkaloob nawa sa kanya ang pagpapala at kapayapaan. Batay sa sinabi ng Allah: {At (alalahanin) nang si `Isa (Hesus), na anak ni Maryam (Maria) ay nagsabi: “O Angkan ng Israel! Katotohanan, ako ay Sugo ng Allah na isinugo sa inyo, na nagpapatotoo sa Tawrat (Torah) na nauna sa akin, at nagbibigay ng magandang balita tungkol sa isang Sugo na darating pagkaraan ko, ang kanyang pangalan ay Ahmad. Datapuwa’t nang siya ay dumating sa kanila na may maliwanag na mga katibayan, sila ay nagsabi: “Ito ay isang malinaw na salamangka!}. Surah AsSaff (61): 6

5

Tayo ay naniniwala sa mga kapangyarihan na pinapangyari ng Allah sa kanyang mga kamay, tulad ng pagpapagaling sa may ketong, bulag at pagbuhay sa mga patay, at gayundin sa mga ibinabalita niya tungkol sa kung ano ang kinakain ng mga tao at kung ano ang kanilang itinatago sa kanilang mga tahanan, at lahat ng ito ay ayon sa kapahintulutan ng Allah na Tigib ng Kaluwalhatian at Kataas-taasan, at ito ang ginawa ng Allah na maliwanag na katibayan sa pagpapatunay ng kanyang pagka-propeta at mensahe.

6

Hindi magiging ganap ang Eeman [pananampalataya] ng isang tao hangga’t hindi naniniwala na si `Isa (Hesus) ay alipin ng Allah at Kanyang Sugo, at na siya ay walang kamalayan at malayo mula sa lahat ng masasamang paglalarawan sa kanya ng mga Hudyo at sa mga paratang laban sa kanya ay tandisang itinakwil ng Allah. Bilang Muslim, ating itinatakwil ang paniniwala ng mga Kristiyano na siya at ang kanyang ina ay kapwa mga diyos bukod sa Allah, na siya ay anak ng Diyos at siya ay bahagi o kabilang sa tatlong persona ng diyos. Luwalhati sa Allah at Siya ay Mataas sa anumang kanilang iniaakibat.

7

Tunay na siya ay hindi napatay at hindi naipako, bagkus siya ay itinaas ng Allah sa langit nang siya ay pagtangkaang patayin ng mga Hudyo, at ipinalit ang iba na kanyang nakakahawig, kaya ito ang kanilang napatay at naipako sa pag-aakala nilang ito si `Isa (Hesus) – ipagkaloob nawa sa kanya ang kapayapaan. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang Allah: {At sa kanilang pagsasabi (nang may pagmamalaki): “Katotohanang aming pinatay ang Mesiyas si Hesus ang anak ni Maria, ang Sugo ng Allah.” Datapuwa’t siya ay hindi nila napatay, at siya ay hindi nila naipako sa krus, bagkus [may iba] na ginawa upang kanyang makawangis sa kanilang [paningin]. At katotohanan, yaong mga nagkakaiba-iba rito ay may agam-agam tungkol dito. Sila ay walang [tamang] kaalaman maliban sa pagsunod sa mga pagaakala lamang. At siya ay hindi nila nagawang patayin para sa katiyakan [ng kanyang pagkakilanlan]. Bagkus, [ang katotohanan nito] siya [si Hesus] ay itinaas ng Allah patungo sa Kanyang Sarili. At ang Allah ay Lagi nang Ganap na Makapangyarihan, Tigib ng Karunungan. At walang isa man mula sa mga Angkan ng Kasulatan [mga Hudyo at Kristiyano] maliban na sila ay nararapat na maniwala sa kanya [kay Hesus] bago [sumapit kay Hesus] ang kanyang kamatayan. At sa Araw ng Pagkabuhay na Muli, siya ay magiging saksi laban sa kanila.}. Surah An-Nisa’ (4): 157-159

Sa katotohanan, siya ay pinangalagaan at itinaas ng Tigib sa Kaluwalhatian at Kataas-taasan doon sa Kanya sa langit, at siya ay tiyak na bababa sa lupa sa huling panahon at siya ay maghuhukom nang ayon sa batas ng Propeta Muhammad ﷺ, pagkaraan nito, siya ay mamamatay at ililibing sa lupa [tulad ng karaniwan] at siya ay ibabangong muli tulad ng pagbabangon ng lahat ng anak ni Adam (Adan). Batay sa sinabi ng Allah: {Mula rito (lupa) ay Aming nilikha kayo, at dito kayo ay Aming ibabalik, at dito (rin) kayo ay Aming muling pababangunin (bubuhayin)}. Surah Ta-Ha (20): 55

Naniniwala ang isang Muslim na si Hesus, nawa’y ipagkaloob sa kanya ang kapayapaan – ay isa sa mga pinakadakilang Sugo ng Allah, nguni›t siya ay hindi isang diyos, at siya ay hindi napatay at hindi naipako.




Ang paniniwala na si Muhammad ﷺ ay isang Propeta at Sugo:



  • Naniniwala tayo na si Muhammad ﷺ, siya ay isang alipin ng Allah at Kanyang Sugo, at siya ang pangulo ng mga una at huli, at siya ay pinakasagka sa mga Propeta, kaya’t wala nang Propeta pagkaraan niya, at tunay na kanyang naihatid ang Mensahe, at naipatupad niya ang Amanah (ipinagkatiwala), at pinayuhan ang buong pamayanan, at siya ay nakibaka sa Allah nang tunay na pakikibaka.
  • At siya ay ating pinaniniwalaan sa lahat ng kanyang ipinabatid, at siya ay ating sinusunod sa lahat ng kanyang ipinaguutos, at ating nilalayuan ang anumang kanyang ipinagbabawal, at sambahin natin ang Allah ayon sa kanyang Sunnah (kaparaanan) – ipagkaloob nawa sa kanya ng Allah ang pagpapala at kapayapaan – at na tayo ay sumunod sa kanya. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {Katotohanang nasa sa inyo sa Sugo ng Allah (Muhammad) ang isang magandang halimbawa ng sinumang umaasa (sa pakikipagharap) sa Allah at sa Huling Araw, at lagi nang nag-aalaala sa Allah}. Surah Al-Ahzab (33): 21
  • At tungkulin natin na iuna ang pagmamahal sa Propeta ﷺ kaysa sa pagmamahal sa magulang, anak at sa lahat ng sangkatauhan, ayon sa sinabi niya ﷺ : “Hindi magiging ganap ang Eeman [paniniwala] ng isa sa inyo hangga’t hindi ako ang nagiging higit na pinakamamahal niya kaysa sa kanyang magulang, anak at sa lahat ng sangkatauhan”. (AlBukhari: 15 – Muslim: 44). At ang wagas na pagmamahal sa kanya ay ang pagsunod sa kanyang Sunnah at pagtahak sa kanyang pamamatnubay bilang huwaran. Ang tunay na kaligayahan at ganap na patnubay ay hindi nabibigyan ng katuparan o patunay maliban sa pamamagitan ng pagsunod sa kanya. Batay sa sinabi ng Maluwalhating Allah: {At kung kayo ay susunod sa kanya, inyong tatahakin ang tamang patnubay. At walang tungkulin na iniatang sa Sugo maliban upang ipaabot (ang mensahe) sa maliwanag na paraan}. An-Nur (24): 54
  • Tungkulin natin na tanggapin ang anumang naiparating ng Propeta ﷺ, at na sumunod sa kanyang Sunnah, at na ituring ang kanyang pamamatnubay na isang lugar na pagpipitagan at pagdakila. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {Hindi, bagkus Ako (Allah) ay nanunumpa sa iyong Panginoon na hindi magiging ganap ang kanilang paniniwala hanggang hindi ka nila tinatangkilik bilang tagahatol sa lahat ng mga hidwaan sa pagitan nila, at pagkatapos ay wala silang matagpuan sa kanilang sarili na anumang pag-aalinlangan o paninikip ng dibdib sa iyong naging pasiya, at maluwag nilang tanggapin ang mga ito nang ganap}. An-Nisa’ (4): 65
  • Kailangan nating maging maingat sa pagsalungat sa kanyang pag-uutos – ipagkaloob nawa sa kanya ng Allah ang pagpapala at kapayapaan; sapagka’t ang pagsalungat sa kanyang pag-uutos ay isang dahilan ng paglaganap ng Al-Fitnah (malaking kaguluhan), pagkaligaw at masakit na pagdurusa, na kung saan ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {Kaya sinuman ang sumasalungat sa kanyang pag-uutos ay maging maingat, baka ang isang Fitnah (malaking kaguluhan) ay dumating sa kanila, o isang masakit na kaparusahan ang tumama sa kanila}. Surah An-Nur (24): 63



Ang partikular na mga katangian ng Mensahe ni Muhammad:


Natatangi ang Mensahe ni Muhammad sa mga naunang Mensahe ayon sa iilang mga partikular na katangian at kahigtan, ang ilan dito:

  • Ang Mensahe ni Muhammad ang siyang sagka o pinakahuli sa mga naunang Mensahe. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {Si Muhammad ay hindi naging ama ng sinuman sa inyong mga kalalakihan, datapuwa’t siya ang Sugo ng Allah at sagka (panghuli) sa (lahat ng) mga Propeta}. Surah Al-Ahzab (33): 40
  • Ang mensahe ni Muhammad ay nagpapawalang bisa sa mga naunang mensahe, kaya walang pananampalataya ang tatanggapin ng Allah mula sa kaninuman pagkaraan ng pagkasugo sa Propeta ﷺ maliban sa pamamagitan ng pagsunod kay Muhammad ﷺ, at hindi makakarating ang sinuman sa karangyaan ng Paraiso maliban sa pamamagitan niya, samakatuwid siya ﷺ ang pinakamarangal sa mga Sugo, at ang kanyang pamayanan ang pinakamainam sa lahat ng pamayanan, at ang kanyang Batas ang pinakaganap sa lahat ng mga batas. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {At sinuman ang maghangad ng iba pang relihiyon maliban sa Islam, ito ay hindi tatanggapin sa kanya magpakailanman, at sa Huling Araw, siya ay kabilang sa mga talunan}. Al-`Imran (3): 85
    At siya ﷺ ay nagsabi: “Ako ay nanunumpa sa Kanya na may tangan sa buhay ni Muhammad, walang isa man na nakakarinig sa akin mula sa lipon ng pamayanan na ito, maging isang Hudyo o Kristiyano, pagkaraan ay namatay siya at hindi naniwala sa kung ano ang isinugo sa akin, kundi siya ay naging kabilang sa mga mananahan sa Apoy”. (Muslim: 153 – Ahmad: 8609)

  • Ang mensahe ni Muhammad ay sumasaklaw sa dalawang Thaqalain: Ang Jinn at Tao. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi patungkol sa sinabi ng isang Jinn: {O aming pamayanan! Magsitugon kayo sa tagapag-anyaya ng Allah (Muhammad)}. Al-Ahqaf (46). 31
    At sinabi pa ng Kataas-taasang Allah: {At ikaw [O Muhammad] ay hindi Namin isinugo maliban na para sa buong sangkatauhan bilang tagapaghatid ng magandang balita, at tagapagbabala}. Saba’ (34): 28
    At siya (Muhammad ﷺ) ay nagsabi: “Ako ay binigyan ng anim na kalamangan sa mga Propeta: Ako ay ginawaran ng mga pangkalahatang salita (ang Qur’an), at ipinagkaloob sa akin ang tagumpay sa pamamagitan ng takot, at ipinahintulot sa akin ang mga Ghanimah (mga labing ariarian ng digmaan), at itinalaga para sa akin ang kalupaan na malinis at Masjid (bahaydalanginan), at ako ay isinugo sa lahat ng nilalang, at ako ang ginawang pinakahuli sa mga Propeta”. (Al-Bukhari: 2815 – Muslim: 523)




Ang Mga Bunga ng Paniniwala sa Mga Sugo:


Ang Paniniwala sa Mga Sugo ay may dakilang mga bunga, ang ilan dito:

1

Ang pagkilala sa habag ng Allah at ang Kanyang pangangalaga sa Kanyang mga alipin na kung saan ay nagsugo Siya sa kanila ng mga Sugo upang sila ay kanilang patnubayan tungo sa wastong landas at maipaliwanag sa kanila kung paano nila sambahin ang Allah; sapagka’t ang isipan ng tao ay walang angking sariling kakayahan upang mapag-alaman ito. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi tungkol sa Propeta natin na si Muhammad ﷺ : {At ikaw [O Muhammad] ay hindi Namin isinugo, maliban bilang habag sa lahat ng mga nilalang}. Surah Al-Anbiya’ (21): 107

2

Ang pagpapasalamat sa Kanya na Kataas-taasang (Allah) sa mga dakilang biyaya na ito.

3

Ang pagmamahal sa mga Sugo – ipagkaloob nawa sa kanila ang pagpapala at kapayapaan – ang pagdakila at pagpupuri sa kanila ayon sa kung ano ang umaangkop sa kanila; sapagka’t sila ay nagsipagtaguyod sa pagsamba sa Allah, sa paghahatid ng Kanyang Mensahe at sa pagpapayo sa Kanyang mga alipin.

4

Ang pagsunod sa Mensahe na naiparating ng mga Sugo mula sa Allah, ito ay ang pagsamba sa Allah lamang, wala Siyang katambal, at ang pagsasagawa rito, kaya’t mabibigyan ng katotohanan sa mga sumasampalataya sa kanilang pamumuhay ang tunay na kabutihan, kapatnubayan at kaligayahan sa dalawang tahanan (sa mundo at sa Huling Araw).

Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {Sa gayon sinuman ang sumunod sa Aking patnubay ay hindi maliligaw (sa mundo), at hindi magdurusa (sa Kabilang Buhay), at sinuman ang tumanggi sa Aking Paalaala (sa Qur’an o sa Kautusan), katotohanang sasakanya ang mahirap na buhay}. Surah Ta-Ha (20): 123-124


Ang Masjidul Aqsa (BahayDalanginan sa Herusalem) ay may katayuan sa mga Muslim, ito ang ikalawang Masjid na itinayo sa lupa pagkatapos ng Al-Masjidil Haram (BahayDalanginan sa Makkah), at katotohanang nakapagdasal dito ang Sugo ng Allah ﷺ at ang iba pang mga Propeta – ipagkaloob nawa sa kanilang lahat ang kapayapaan.


Ang Paniniwala sa Huling Araw



Ang Kahulugan ng Paniniwala sa Huling Araw:



Ang tapat na paniniwala na bubuhaying muli ng Allah ang mga tao mula sa mga libingan, pagkaraan ay sila ay Kanyang susulitin at gagantimpalaan sa kanilang mga gawa, hanggang sa ganap nang makapanirahan ang mga mananahan sa Paraiso sa kanilang mga tahanan, gayundin ang mga mananahan sa Apoy sa kanilang mga tahanan.

At ang paniniwala sa Huling Araw ay isa sa mga haligi ng Eeman (Pananampalataya), kaya hindi magiging ganap at wasto ang paniniwala maliban sa pamamagitan nito. Ang Kataastaasang (Allah) ay nagsabi: {Bagkus ang Birr [pagiging mabuti at matwid] ay ang naniwala sa Allah at sa Huling Araw}. Surah Al-Baqarah (2): 177



Bakit binibigyang-diin ng Qur’an Ang Paniniwala sa Huling Araw?



Binigyang-diin ng Banal na Qur’an ang paniniwala sa Huling Araw, at nagbigay din dito ng babala sa lahat ng pagkakataon, at binigyang-diin ang pagkakaganap nito sa iba’t ibang paraan ng wikang arabik, at ang paniniwala rito ay iniugnay nito sa paniniwala sa Allah sa napakaraming kalagayan.

At ito ay dahil sa paniniwala sa Huling Araw ay isa sa bunga na kanais-nais sa paniniwala sa Allah at ng Kanyang pagkamakatarungan – Kaluwalhatian sa Kanya at Kataas-taasan. At ang paliwanag nito:

Katotohanang hindi kinikilala ng Allah ang kawalang katarungan, at hindi Niya hinahayaan ang mapaggawa ng kawalang katarungan nang walang karampatang kaparusahan, gayundin naman ang ginawan ng di-makatarungan nang hindi nito nakakamit ang katarungan, at hindi rin Niya hinahayaan ang mapaggawa ng kabutihan nang walang kabayaran at gantimpala, at Kanyang ibinibigay sa bawa’t may karapatan ang karapatan nito, at tayo ay nakakakita sa buhay sa mundo na tao na namumuhay bilang mapaggawa ng katarungan at namamatay na mapaggawa pa rin ng kawalang katarungan nguni’t hindi naparurusahan, at ng tao na namumuhay na ginawan ng kawalang katarungan at namamatay na ginagawan pa rin ng kawalang katarungan, nguni’t hindi niya nakukuha ang kanyang karapatan. Samakatuwid, ano ang kahulugan nito, samantalang ang Allah ay hindi tumatanggap ng kawalang katarungan?

Ang ibig sabihin nito, tunay na kailangan ay may iba pang buhay liban sa buhay na ito na ating kinamumulatan, kinakailangan na may iba pang tipanan na ginagantimpalaan dito ang mapaggawa ng kabutihan at pinarurusahan dito ang mapaggawa ng kasamaan, at matamo ng bawa’t may karapatan ang kanyang karapatan.

Pinangangaralan tayo ng Islam na lumayo tayo sa Apoy [ng Impiyerno] sa pamamagitan ng pagmamagandangloob sa iba na kahit pa ito ay sa pamamagitan ng kawanggawang [nagkakahalaga ng] kalahating [bahagi ng] bungang-datiles.



Ano ang Napaloloob sa Paniniwala sa Huling Araw?



Ang paniniwala ng isang Muslim sa Huling Araw ay napaloloob ang ilang mga bagaybagay, ang ilan dito:

1

Ang paniniwala sa pagkabuhay na muli at pagtitipon: Ito ay ang pagkabuhay muli ng mga patay sa kanilang mga puntod, at pagbalik sa mga kaluluwa tungo sa kanilang mga katawan, kaya’t titindig ang mga tao sa (harapan ng) Panginoon ng lahat ng nilalang, at pagkatapos ay titipunin at pagsama-samahin sila sa iisang lugar na nakayapak at walang saplot, tulad ng pagkakalikha sa kanila noong una.

At ang paniniwala sa Pagkabuhay na Muli ay isa lamang sa mga ipinahiwatig ng Aklat (Qur’an) at Sunnah, ng isip at likas na taglay, kaya tayo ay naniniwala nang may katiyakan na bubuhaying muli ng Allah ang sinumang nasa mga libingan, at ibabalik ang mga kaluluwa sa mga katawan at magsisitindig ang mga tao sa (harapan ng) Panginoon ng lahat.

Ang Allah ay nagsabi: {At pagkatapos nito, katiyakang kayo ay mamamatay, at pagkatapos, katotohanang kayo ay ibabangon sa Araw ng Pagkabuhay na Muli (sa Kabilang Buhay)}. Al-Mu’minun (23): 15-16

At katotohanang nagkaisa rito ang lahat ng pangkalangitang kasulatan, sapagka’t ito ang siyang kahilingan ng makabuluhang layunin; na kung saan sa pagkakalikha ng Allah sa nilalang na ito ay nangangailangan ng isang tipanan na rito ay Kanyang gagantimpalaan sila sa lahat na tungkulin na ipinataw sa kanila sa pamamagitan ng mga salita ng Kanyang mga Sugo. Ang Allah ay nagsabi: {Kayo ba ay nag-aakala na kayo ay Aming nilikha lamang bilang paglalaro (nang walang layunin), at kayo ay hindi muling ibabalik sa Amin?}. Surah AlMu’minun (23): 115


Ang ilan sa mga katibayan ng Qur’an sa pagpapatunay sa Pagkabuhay na muli:

  • Katotohanang nilikha ng Allah ang tao na may pasimula, samakatuwid ang Isang may kakayahan na magpasimula sa paglikha ay hindi manghihina sa paglikha ulit nito. Ang Allah ay nagsabi: {At Siya ang Tagapagsimula sa paglikha, at [Siya rin] ang magpapanumbalik nito (matapos ang kamatayan nito)}. Surah Ar-Rum (30): 27
    At nagsabi pa ang Kataas-taasang Allah na nag-uutos sa pagsagot sa sinumang nagtatakwil sa pagkabuhay ng mga buto [o kalansay] kapag ito ay naging abo na: {Sabihin mo [O Muhammad]: “Siya (Allah) ang magbibigay-buhay sa kanila na lumikha sa kanila noong una! At Siya ang Ganap na Nakakaalam sa lahat ng mga nilikha}. Surah Ya-Sin (36): 79

  • Katotohanang ang lupa ay tigang, walang buhay, walang sariwang punong-kahoy, at pagkaraan ay ibubuhos ng Allah dito ang ulan, kaya magbubukadkad ito nang luntian na may buhay. Ang Isa na makapagpalilitaw ng bawa’t uri ng naggandahang halaman ay katiyakan na Kanya ring magagawang magbigay buhay sa dati ay tigang [o patay]. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {At Aming ibinaba ang pinagpalang ulan mula sa langit, at Aming pinangyaring tumubo sa pamamagitan nito ang mga halamanan at mga butil na pag-aanihan. At ang mga nagtataasang puno ng datiles na [hitik sa] mga bungang nagkakalipumpunan, [bilang] panustos para sa mga alipin [ng Allah]. At Aming binigyang buhay sa pamamagitan nito ang [dati ay] tigang na lupa. Ganyan [nahahalintulad] ang paglabas [ng mga patay mula sa mga libingan sa Araw ng Pagkabuhay na Muli]}. Surah Qaf (50): 9-11
  • Bawat makatuwirang tao ay tumatanggap na sinumang may kakayahang gumawa ng isang mahirap na gawain, may kakayahan din makagawa ng isang gawaing higit na magaan [o madali], at kung ang Allah ay may kakayahang magpasimula sa paglikha ng mga kalangitan, kalupaan at mga orbita sa kabila ng laki at lawak ng kalagayan nito at ang kahanga-hangang pagkakalikha nito, magkagayon Siya ay higit na may kakayahan sa pagbigaybuhay ng mga kalansay o butong naging abo na. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {Hindi ba Siya na lumikha ng mga kalangitan at kalupaan ay may kakayahan din na makalikha ng katulad nila? Oo nga! Bagkus, Siya ang Tagapaglikha, ang Ganap na Maalam}. Surah Ya-Sin (36): 81



2

Ang paniniwala sa pagsusulit [pagtutuos ng gawa] at pagtitimbang: Susulitin ng Allah ang mga nilalang sa kanilang mga gawa na kanilang nagawa sa buhay sa mundo, kaya sinuman ang mapabibilang sa lipon ng mga nagtataguyod ng Tawheed (Kaisahan ng Allah) at naging masunurin sa Allah at sa Kanyang Sugo, katotohanang ang kanyang pagsusulit ay magiging madali, datapuwa’t sinuman ang mapabibilang sa lipon ng mga nagtataguyod ng Shirk (pagtatambal sa Allah) at pagsuway, samakatuwid ang kanyang pagsusulit ay magiging mahirap. 

At titimbangin ang mga gawain sa dakilang timbangan, kaya ilalagay ang mga mabubuting gawa sa isang palad, at ang mga masasamang gawa ay sa isa namang palad, at sinumang ang kanyang mga kabutihan ay nakalamang sa kanyang mga kasamaan, siya ay mapabibilang sa mga mananahan sa Paraiso, datapuwa’t sinuman ang kanyang mga kasamaan ay nakalamang sa kanyang mga kabutihan, siya ay mapabibilang sa mga maninirahan sa Apoy, at ang iyong Panginoon (Allah) ay hindi gumagawa ng kawalang katarungan sa kaninuman.

Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {At Aming itatatag ang mga timbangan ng katarungan sa Araw ng Paghuhukom, kaya walang sinuman ang pakikitunguhan ng kawalang-katarungan maging sa napakaliit na bagay. At kung mayroon mang (gawa na) katumbas ng bigat ng isang buto ng mustasa, ito ay Aming itatambad, at Kami ay sapat na bilang Tagapagtuos}. Surah AlAnbiya’ (21): 47

3

Ang Paraiso at ang Apoy: ang Paraiso ay ang tahanan ng walang hanggang kaligayahan, inilaan ito ng Allah para sa mga naniniwala at mga Muttaqi (may takot sa Allah), sumusunud sa Allah at sa Kanyang Sugo, naririto ang lahat ng iba’t ibang uri ng walang hanggang kaligayahan na siyang pinagnanasaan ng mga puso at ikinasisiya ng mga mata mula sa lahat ng iba’t ibang uri ng mga kinahuhumalingan.

Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi bilang panghihikayat sa pagsamba sa Kanya upang maging maagap sa pag-uunahan sa mga gawaing pagsunod at pagpasok sa Paraiso na ang lawak nito ay kasing lawak ng langit at lupa: {At maging maagap sa pag-uunahan tungo sa kapatawaran ng inyong Panginoon, at sa Paraiso na ang lawak nito ay kasing lawak ng mga kalangitan at kalupaan, na inihanda sa mga Muttaqun (may tunay na takot sa Allah)}. Surah Al-`Imran (3): 133

At ang Apoy naman ay ang tahanan ng walang katapusan na kaparusahan, ito’y inilaan ng Allah sa mga hindi sumasampalataya na nagsitakwil sa Allah at sumuway sa Kanyang mga Sugo, naririto ang iba’t ibang uri ng kaparusahan, mga pasakit at pagdurusa na hindi pa sumagi sa isipan.

Ang Tigib ng Kaluwalhatian (Allah) ay nagsabi bilang pagbigay-babala sa Kanyang mga alipin laban sa Apoy na inilaan Niya sa mga hindi sumasampalataya: {Kung gayon, matakot kayo sa Apoy na ang mga panggatong nito ay mga tao at bato na inihanda para sa mga hindi naniniwala}.Surah Al-Baqarah (2): 24

O Allah! Katotohanang aming hinihiling sa Iyo na igawad mo ang Paraiso sa amin at ang anumang [gawaing] magpapalapit tungo rito sa salita at gawa, at kami ay nagpapakupkop sa Iyo laban sa Apoy at ang anumang nagpapalapit tungo rito sa salita at gawa.

4

Ang kaparusahan sa libingan at ang lubos na kaligayahan dito: Tayo ay naniniwala na ang kamatayan ay totoo. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {Sabihin mo (sa kanila): “Ang anghel ng kamatayan na nakatalaga sa inyo ay (katiyakang) magtatangan ng inyong kaluluwa; at pagkatapos, kayong (lahat) ay muling ibabalik sa inyong Panginoon}. Surah As-Sajdah (32): 11

At ito ay isang bagay na nasasaksihan, walang pag-aalinlangan ang tungkol dito, at tayo ay naniniwala na ang lahat ng namamatay o napatay maging sa anupamang dahilan ng kanyang pagkamatay, na ito ay dahil sa kanyang kamatayan walang nabawas dito na anuman. Ang Allah ay nagsabi: {At ang bawa’t pamayanan ay may taning na panahon (sa pagkawasak nito), kaya kapag sumapit na ang kanilang takdang panahon, hindi nila magagawang antalahin ito kahit na sa isang oras at gayundin ay hindi nila magagawang magpatiuna dito}.Surah Al-A`raf (7): 34

• At na ang sinumang namatay ay tunay na nagsimula nang tumayo ang kanyang muling pagbabangon at lumipat na sa Huling Tahanan.

• At katotohanang maraming mga mapananaligang Hadith (salaysay) ng Sugo ng Allah ﷺ na nagpapatunay hinggil sa katotohanan ng kaparusahan sa libingan para sa mga hindi naniniwala at sumusuway, at sa katotohanan ng kaligayahan dito para sa mga naniniwala at gumagawa ng kabutihan, kaya tayo ay nararapat maniwala rito, datapuwa’t huwag nating talakayin ang tungkol sa kung paano ang kaganapan nito, sapagka’t ang ating isip ay walang angking kakayahan upang alamin kung paano ang kaganapan nito at ang realidad nito, sapagka’t ito’y kabilang sa bagay na nalilingid, tulad ng Paraiso at ng Apoy, at hindi kabilang sa bagay na nakikita, samakatuwid ang isip ng tao ay may kakayahan lamang maunawaan ang makatuwirang talakayan at magbigay ng paghatol tungkol sa mga bagay na mayroong magkakatulad na ugnayan at may batas na kinikilala sa hayag na mundo.

• Gayundin naman na ang mga kalagayang nagaganap sa libingan ay kabilang sa mga bagay na nalilingid na hindi kayang arukin ng pandama (o pang-unawa), at kung ito ay magagawang maarok sa pamamagitan ng pandama (o pangunawa), tunay na mawawalan ng halaga ang paniniwala sa Ghaib (mga bagay o pangyayaring hindi nakikita at lingid), at mawawala ang layunin sa pag-aatas ng tungkulin na ilibing ng mga tao ang kanilang mga patay. Batay sa sinabi niya (Muhammad ﷺ.): “Kung hindi lamang kayo inililibing, tunay na aking hihilingin sa Allah na iparinig sa inyo ang ilang pagdurusa sa libingan tulad ng aking naririnig”. (Muslim: 2868 – An-Nisai: 2058). At dahil sa layuning ito, ang mga hayop lamang ang may karapatan at kakayahang makarinig nito.



Ang Mga Bunga ng Paniniwala sa Huling Araw:


1

Ang paniniwala sa Huling Araw ay mayroong napakatinding idinudulot bilang pangangaral sa tao, disiplina sa kanya at sa pananatili niya sa paggawa ng mabuting gawain, sa pagkatakot niya sa Allah at sa paglayo niya sa pagiging makasarili at pagpapakitang-tao.

At dahil dito, nagiging ganap ang ugnayan sa pagitan ng paniniwala sa Huling Araw at paggawa ng kabutihan sa maraming mga pagkakataon. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {Ang tanging may karapatan na mangasiwa sa mga Masjid (bahay-dalanginan) ng Allah ay ang sinumang naniniwala sa Allah at sa Huling Araw}. Surah At-Taubah (9): 18

At sa Kanyang sinabi: {At sila na naniniwala sa Huling Araw ay naniniwala rin dito (sa Qur’an), at sila ay nananatili sa pangangalaga ng kanilang pagdarasal}. Surah Al-An`am (6): 92

2

Ang pagbibigay-babala sa mga nakakalimot [at nagpapabaya], mga abala sa mga bagay na nauukol sa buhay na ito at sa kabutihan ng pakikipagpaligsahan sa mga gawaing pagsunod sa kabutihan upang mapalapit sa Allah sa pamamagitan ng mga pagsunod tungo sa katotohanan ng buhay na ito at kaiklian nito, at na ang Huling Araw ang siyang tahanan na magtatagal at walang hanggang buhay.

At nang purihin ng Allah ang mga Sugo sa Qur’an at binanggit ang kanilang mga gawain, pinuri din sila sa dahilan na Siya ang nagtulak sa kanila para sa gayong mga gawain at mga kainaman, kaya Siya ay nagsabi: {Katotohanang sila ay Aming pinili nang dahil sa (kanilang) isang natatanging kabutihan, (ito ay) ang pag-aalaala sa Tahanan (ng Kabilang-Buhay)}. Sad (38): 46

Ibig sabihin, ang dahilan ng kainaman ng naturang mga gawain ay dahil sa sila ay natatangi sa pag-alaala sa Huling Araw, kaya ang pag-aalaala na ito ang nagtulak sa kanila sa mga gayong gawain at mga kalagayan.

At nang maging mabigat sa ilan sa mga Muslim ang pagpapatupad sa Kautusan ng Allah at Kanyang Sugo. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {Kayo baga ay higit na nalulugod sa buhay sa mundong ito kaysa sa Kabilang Buhay? Samantalang ang kasiyahan ng buhay sa mundong ito ay kakaunti lamang kung ihahambing sa Kabilang Buhay}. Surah At-Taubah (9): 38

Kaya sa oras na ang isang tao ay naniwala sa Huling Araw, katotohanang siya ay maniniwala nang may katiyakan na ang lahat ng kasiyahan sa mundong ito ay hindi maisusukat [o maihahambing] sa kasiyahan sa Huling Araw. At sa kabilang dako ay hindi maipapantay ang parusa sa Huling Araw kung ihahambing sa lahat ng pagdurusa sa mundong ito nang dahil sa pakikipaglaban sa Landas ng Allah.

3

Ang kapanatagan na tunay ngang matatagpuan ng tao ang kanyang bahagi, kaya’t kapag lumagpas sa kanya ang isang bagay mula sa karangyaan ng buhay sa mundong ito, siya ay hindi nawawalan ng pag-asa at kinikitil ang kanyang sarili sa kapighatian, bagkus kailangan niyang magsikap at maniwala nang tiyak na ang Allah ay hindi winawala ang gantimpala ng sinumang nagpakabuti sa gawa, na kahit pa kinuha sa kanya ang kasing timbang ng isang mais sa pamamagitan ng di-makatarungan o pagdaraya, ito ay kanyang matatamo sa Araw ng Muling Pagbabangon sa mga sandaling higit na kakailanganin niya ito. Kaya’t paano panghinaan ng loob ang sinumang nakakaalam na ang kanyang bahagi ay tiyak na daratal sa kanya nang walang pag-aalinlangan sa pinakamahalagang mga sandali at pinakamapanganib? At paano malulungkot ang sinumang nakakaalam na ang maghahatol sa pagitan niya at ng kanyang katunggali ay ang Pinakamakatarungan sa lahat ng mga makatarungan?



Ang Paniniwala sa Al-Qadr (Tadhana)



Ang Kahulugan ng Paniniwala sa Al-Qadr (Tadhana):



Ito ay ang tapat na paniniwala na pagpapatotoo na ang lahat ng mabuti at masama ay nakasalalay sa Pagpapasiya ng Allah at sa Kanyang Pagtatakda, na Siya ay gumagawa ng anumang ang Kanyang ninanais, hindi magaganap ang isang bagay maliban kung Kanyang ninais, at walang nakalalabas na anumang bagay sa Kanyang kapasiyahan, at walang isa mang bagay sa daigdig na nakalalabas sa Kanyang pagtatakda, at walang nailalahad malibang ayon sa Kanyang pangangasiwa, at magkagayon pa man tunay na Kanyang inutusan ang Kanyang mga alipin at binawalan, at sila ay Kanyang ginawang may sariling pagpipilian sa kanilang mga gawain, hindi napipilitan lamang dito, bagkus ito ay nagaganap ayon sa sarili nilang kakayahan at kagustuhan, datapuwa’t ang Allah ang lumikha sa kanila at lumikha sa kanilang kakayahan, Kanyang pinapatnubayan sa Kanyang habag ang sinumang Kanyang naisin, at hinahayaang maligaw batay sa Kanyang walang hanggang Karunungan ang sinumang Kanyang naisin, hindi Siya maaaring tanungin ng sinuman kung ano ang Kanyang ginagawa, bagkus sila ang tinatanong.


At ang paniniwala sa pagtatakda ng Allah ay isa sa mga haligi ng Eeman (Paniniwala), batay sa sinagot ng Sugo ﷺ nang siya ay tanungin ng Anghel Gabriel – sumakanya nawa ang kapayapaan, ang tungkol sa Eeman. Siya ﷺ ay nagsabi: “Ang ikaw ay maniwala sa Allah, sa Kanyang mga anghel, sa Kanyang mga kasulatan, sa Kanyang mga Sugo at sa Huling Araw, at na ikaw ay maniwala sa Tadhana, maging ang mabuti nito o ang masama”. (Muslim: 8)



Ano ang napaloloob sa paniniwala sa Qadr (Tadhana)?:


Ang paniniwala sa Qadr (Tadhana) ay napaloloob ang apat na bagay:

  • Ang paniniwala na ang Allah ang tanging nakababatid ng lahat ng bagay maging sa kabuuan o detalye nito, at Siya ang ganap na nakababatid sa lahat ng Kanyang mga nilikha bago pa man Niya ito likhain, at batid Niya ang kanilang mga ikinabubuhay, at ang mga taning ng kanilang buhay, at ang kanilang mga salita, at ang kanilang mga gawa, ang lahat ng kanilang mga galaw at pananahimik, ang kanilang mga itinatago at inilalantad, at kung sino sa kanila ang mapabibilang sa mga maninirahan sa Paraiso, at kung sino sa kanila ang mapabibilang sa mga maninirahan sa Apoy (Impiyerno). Ang Allah ay nagsabi: {Siya ang Allah, wala nang iba pang Diyos (na dapat sambahin) maliban sa Kanya, ang Ganap na Nakakaalam sa bagay na lingid at lantad}. Surah Al-Hashr (59): 22
  • Ang paniniwala na Siya na Tigib ng Kaluwalhatian ay tunay na Kanyang naitala na una pa man sa Al-Lawhil Mahfuz (Talaan ng mga Gawa) ang lahat ng Kanyang Kaalaman. At ang patunay nito ay ang sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {Walang sakuna na nagaganap sa kalupaan at sa inyong mga sarili maliban na ito ay nasa Talaan (ng mga gawa [Lawhil Mahfuz]) bago pa Namin [papangyarihing] ito ay ipatupad}. Surah Al-Hadid (57): 22

    At ang sinabi ng Propeta ﷺ : “Itinala ng Allah ang mga tadhana ng Kanyang mga nilalang bago pa Niya nilikha ang mga kalangitan at kalupaan ng limampung libong taon”. (Muslim: 2653)

  • Ang paniniwala sa walang hanggang Kapasiyahan ng Allah, na walang anumang bagay ang maaaring pumigil nito, gayundin sa Kanyang kapangyarihan na walang anumang bagay ang maaaring makapanghihina nito, samakatuwid ang lahat ng mga pangyayari ay nagaganap nang ayon sa Kapasiyahan at Kapangyarihan ng Allah, anuman ang Kanyang naisin ay magaganap, at anuman ang Kanyang di-naisin ay hindi magaganap. Ang Kataas-taasang Allah ay nagsabi: At [ito ay] hindi ninyo magagawang naisin malibang pahintulutan ng Allah - ang Panginoon ng lahat [ng mga nilikha]. At-Takwir (81): 29
  • Ang paniniwala na Siya ang nagpapairal [upang magkaroon ng buhay] ang lahat ng bagay, at Siya ang Nag-iisang Tagapaglikha, samakatuwid maliban sa Kanya ang lahat ng bagay ay Kanyang mga nilikha, at Siya ay may kakayahan sa lahat ng bagay. Siya ang Tigib ng Kaluwalhatian at Kataas-taasan ay nagsabi: [At Kanyang nilikha ang lahat ng bagay, pagkaraan ito ay pinagpasiyahan nang may [wastong] pagpapasiya.]» Surah Al-Furqan (25): 2



Ang tao ay may sariling pagpipilian, kakayahan at kagustuhan:



Ang paniniwala sa Tadhana ay hindi itinatakwil ang pagkakaroon ng sariling pagpapasiya ang isang tao sa kanyang mga gawain na maaaring pagpipilian, at sariling kakayahan dito, sapagka’t ang Batas ng Islam at ang aktuwal na kaganapan ay kapwang nagpapahiwatig sa pagpapatunay nito sa kanya.

Sa Batas ng Islam, katotohanang ang Allah ay nagsabi tungkol sa sariling pagpapasiya: {Ito ang Araw ng Katotohanan (na walang alinlangan). Kaya sinuman ang magnais ay maaaring tumahak sa landas patungo sa kanyang Panginoon (sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanya sa buhay sa mundong ito)!}. An-Naba’ (78): 39

At ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi tungkol sa sariling Kakayahan: {Ang Allah ay hindi nagbibigay ng anumang pasanin sa isang kaluluwa maliban sa abot ng kanyang makakaya. Makakamit niya ang anumang (kabutihan na) kanyang pinagsumikapan at kanyang papasanin ang anumang (kasamaan na) kanyang pinagsumikapan}. Al-Baqarah (2): 286. Ang Wus`a (sa abot ng kanyang makakaya), ang ibig sabihin nito ay ang pansariling kakayahan.

At tungkol naman sa mga pangyayaring nagaganap, tunay na ang bawa’t tao ay nakababatid na siya ay may kalayaang magpasiya at kakayahang gawin ang anumang kanyang nais, at sa pamamagitan nito, siya ay malayang mamili sa pagitan ng mga bagay. Magagawa niya ang ibang mga bagay nang may pagkukusa tulad ng paglalakad, ngunit hindi niya maaaring gawin nang may sariling pagkukusa ang ibang bagay tulad ng panginginig at biglaang pagkahulog, nguni’t maaari nating sabihin na ang pagpapasiya at kakayahan ay maaari lamang maganap nang ayon sa pagpapasiya ng Allah. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang Allah: {Para sa sinuman sa inyo na magnais tumahak sa matwid [na landas], At [ito ay] hindi ninyo nanaisin malibang pahintulutan ng Allah - ang Panginoon ng lahat [ng mga nilikha]. Surah At-Takwir (81): 28-29

Samakatuwid, pinatunayan Niya na may sariling pagpapasiya ang tao, at pagkatapos ay binigyang-diin na ito ay napapailalim sa Kanyang pagpapasiya, at sa dahilan ding na ang buong sansinukob ay pagmamay-ari ng Allah, kaya walang magaganap na anuman sa Kanyang Kaharian nang hindi naaayon sa Kanyang Kaalaman at Kapasiyahan.

Katotohanang siya [ang tao] ay Aming pinatnubayan sa (tamang) landas, maging siya man ay magpasalamat at hindi magpasalamat)}. Al-Insan (76): 3 .



Ang Paggamit ng Qadar [Tadhana] Bilang Dahilan Upang Gumawa ng Kasamaan.



Katotohanan, ang mga pananagutan sa pagsasakatuparan ng mga tungkulin, sa pagsunod sa mga banal na kautusan at sa pag-iwas sa mga ipinagbabawal ay karapatang nakaatang sa kalayaan ng tao at sa kakayahang isagawa ang anumang kanyang nais. Sa gayon nga, ang kanyang gawaing mabuti ay gagantimpalaan nang dahil sa kanyang pagpili [upang tumahak] sa landas ng kabutihan at ang kasamaan ay parurusahan nang dahil sa kanyang pagpili [upang tumahak] sa landas ng kamalian.

Samakatuwid, ang Allah na Tigib ng Kaluwalhatian ay hindi nagpapataw sa atin ng isang tungkulin nang higit sa ating makakayanan, at hindi Niya nais ang sinuman sa atin na magpabaya ng kanyang mga tungkulin sa pamamagitan ng paggamit ng Takdang Tadhana bilang dahilan o katuwiran.

Bukod dito, tayo ay pinagkalooban ng Dakilang Allah ng malayang kaisipan at kakayahang pumili ng [batay sa] ating mga sariling pagpapasiya at malinaw na itinuro sa atin ang landas ng kabutihan at ng kasamaan. Kaya kapag tayo ay sumuway sa mga sandaling iyon, samakatuwid tayo ang sariling pumili at ating papasanin ang anumang bunga ng pagpiling ito.

Kung ikaw ay dinaluhong ng isang tao, inagaw at ninakaw ang iyong salapi, at pagkatapos ay ikinakatuwirang ito ay itinakda sa kanya ng Allah, katiyakan na ito ay hindi mo tatanggapin sa kanya bagkus siya ay iyong parurusahan at kukunin mong muli sa kanya ang iyong salapi, sapagka’t ginawa niya ito nang ayon sa kanyang kusang pagpili at kapasiyahan.


Ang Mga Kabutihan ng Paniniwala sa Qadar [Tadhana]:


Ang Mga [mabubuting] bunga ng Paniniwala sa Qadar [Kapalaran at Tadhana] ay sadyang napakadakila sa buhay ng tao, ang mga ilan dito ay ang mga sumusunod:

1

Ang Tadhana ay isa sa pinakamalaking kapakinabangan [o Kabutihan] upang mamuhay [at tumahak sa landas ng pagiging matuwid] sa paraang makapagbibigay ng kasiyahan [at lugod] sa Dakilang Allah sa mundong ito.

Kaya ang mga naniniwala [mga Muslim] ay pinag-uutusan na gumawa ng anumang kanilang makakayanan, kalakip ng pagtitiwala sa Allah, at paniwalaan na ang anumang kanilang magagawa ay hindi magdudulot ng anumang bunga maliban sa kapahintulutan ng Allah, sapagka’t ang Allah ang lumikha ng mga kaparaanan [magdudulot nito] at Siya rin ang lumikha sa mga ibubungang [kinahinatnan na dulot ng inyong mga gawain].

Ang Propeta ﷺ ay nagsabi: “Pahalagahan mo [at maging magpagpasalamat] para sa anumang nagbibigay ng kabutihan sa iyo, at humingi ka ng tulong sa Allah, at huwag kang mawalan ng pag-asa [huwag kang sumuko], at kung dumating man sa iyo ang di kaaya-ayang pangyayari, huwag kang magsabi: Kung ginawa ko lamang sana ito, naging ganito sana ito at gayon. Bagkus [makabubuting] sabihin ang: Qadarullaahi wa maa shaa’a fa‛ala [Ito ay] Takda ng Allah, at kung ano ang Kanyang ninais ay Kanyang ginagawa, sapagka’t ang (salitang) “Kung sana” ay simula [ng pag-uudyok na] gawain ng Satanas”. (Saheeh Muslim: 2664)

2

Ang paniniwala sa Qadar [Tadhana] ay nagdudulot sa tao upang kanyang malaman ang kanyang sariling kahalagahan [o kabuluhan], kaya hindi niya magawang makapagmalaki at magyabang, sapagka’t nababatid niya na wala siyang kakayahang malaman ang naitakda sa kanya at ang kanyang kahihinatnan maliban kung ano lamang ang magaganap, at dahil dito ay natutunan ng tao ang kikilalanin ang kanyang sariling mga kahinaan at ang kanyang walang hanggang pangangailangang tulong [at pagdamay] mula sa kanyang Panginoon.

Samakatuwid, ang tao kapag dumating sa kanya ang mga mabubuting bagay ay nagiging mapagyabang at nalinlang dahil dito, at kapag dumating naman sa kanya ang masamang bagay at matinding kapighatian, siya ay nawawalan ng pag-asa [at sigla] at nalulungkot. Kaya ang paniniwala lamang sa Qadara [Tadhana] ang makapangangalaga sa tao mula sa pagmamalaki sa panahon ng kasaganaan at kawalan ng pag-asa sa panahon ng kahirapan, sapagkat nalalaman niya na ang lahat ng bagay ay nagaganap [at nangyayari] nang ayon sa tadhanang itinakda at ito ay napangungunahan ng Kanyang Kaalaman.

3

Ang paniniwala sa Qadar [Tadhana] ay tumutulong upang malagpasan ang bunga ng masasamang asal ng inggit, sapagka’t ang isang naniniwala ay hindi naiinggit sa mga tao sa anumang biyayang ipinagkaloob sa kanila ng Allah sapagka’t kanyang nababatid na ang Allah ang Siyang nagkakaloob ng mga biyaya sa kanila at Siya ring nagtakda sa kanila niyon. At ang pagiging mainggitin sa ibang tao ay nagpapahiwatig ng kanyang pagtatakwil sa Tadhanang itinakda at ipinasiya ng Allah.

4

Ang paniniwala sa Qadar [Tadhana] ay naghahatid ng katapangan ng puso sa pagharap ng mga suliranin [o kagipitan], at pinalalakas nito ang mga kahanga-hangang pagpapasiya, sapagka’t ito ay tapat na naniniwala na mga panustos at ang taning [ng paglisan sa mundo o ang kamatayan] ay naitakda na, at kailanman ay walang darating sa tao maliban kung ano ang naitakda para sa kanya.

5

Ang paniniwala sa Qadar [Tadhana] ay nagtatanim sa puso ng isang naniniwala [Muslim] ng iba’t ibang katotohanan ng pananampalataya, sapagka’t siya ay lagi nang humihingi ng tulong sa Allah, umaasa sa Allah at nagtitiwala sa Kanya pagkaraan isagawa niya ang anumang hinihiling sa kanya [bilang isang tungkulin na dapat tuparin], at siya rin ay lagi nang umaasam [ng pangangailangan] sa kanyang Panginoon, humihingi ng karagdagang tulong mula sa Kanya upang siya ay maging matatag.

6

Ang paniniwala sa Qadar [Tadhana] ay naghahatid ng katiyakan at itinatanim sa kanyang puso ang kapayapaan at kapanatagan, sapagka’t batid ng isang naniniwala [Muslim] na anumang hindi itinakda para sa kanya ay hindi darating sa kanya, at anumang dumating sa kanya ay itinakda para sa kanya.