Ang Shahadatain (Ang Dalawang Pagpapahayag o Pagsaksi): Ang Kahulugan at Mga Pangangailangan Nito.

Ang Shahadatain (Ang Dalawang Pagpapahayag o Pagsaksi): Ang Kahulugan at Mga Pangangailangan Nito.


Ash-hadu allaa ilaaha illallaah, wa ash-hadu anna Muhammadan Rasulullaah (Ako ay sumasaksi na walang Diyos na dapat sambahin maliban sa Allah, at ako ay sumasaksi na si Muhammad ay Sugo ng Allah)


Bakit Laa ilaaha illallaah (walang Diyos na dapat sambahin maliban sa Allah)?


  • Sapagka’t ito ang unang tungkulin ng isang Muslim. Kaya sinuman ang nagnanais na yakapin ang Islam ay nararapat magpahayag ng pagsaksi nito at [buong pusong] paniwalaan ito.
  • Sapagka’t sinuman ang magsabi nito nang may katapatan sa paniniwala [sa kanyang puso], hinahangad niya sa pamamagitan nito ang lugod ng Allah, ito ang magiging dahilan ng kanyang kaligtasan mula sa Apoy. Batay sa sinabi ng Propeta ﷺ : “Katotohanang ipagbabawal [ipagkakait] ng Allah sa Apoy ang sinumang [matapat na] nagsabi ng Laa ilaaha illallaah (walang Diyos na dapat sambahin maliban sa Allah), hinahangad dito ang lugod ng Allah”. (Al-Bukhari: 415)
  • Sapagka’t sinuman ang namatay habang [tapat na] pinaniwalaan ang salitang ito ay kabilang sa mga mananahan sa Paraiso, tulad ng sinabi ng Propeta ﷺ : “Sinuman ang namatay na lubusang nalalaman na walang Diyos na dapat sambahin maliban sa Allah, ay papapasukin sa Paraiso”. (Ahmad: 464)
  • At sapagka’t ang Kaalaman nito at ang pangangailangan nito ay walang alinlangang pinakadakila at pinakamahalagang tungkulin ng isang Muslim hinggil sa Laa ilaaha illallaah (walang diyos na dapat sambahin maliban sa Allah).



Ang Kahulugan ng Laa ilaaha illallaah:


Ang ibig sabihin nito: Walang ibang diyos [na dapat sambahin] maliban sa Allah. Katunayan, ang pahayag na ito ay nagtatakwil [o tumatalikod] sa pagkakaroon ng diyos bukod sa Allah at nagpapatunay na Siya lamang ang Tunay na Diyos at Siya ay walang katambal.

Ang Ilaah: ay tumutukoy sa anuman [o sinumang] sinamba [Al-Ma`bud), kaya sinuman ang sumamba sa anupaman [o sinuman], katotohanang siya ay nagturing nito bilang diyos bukod sa Allah, sapagkat ang lahat ng iyon ay kabulaanan maliban sa isang diyos [ang Allah], at Siya ang Rabb (Panginoon), ang Tagapaglikha na Tigib ng Pagpapala at Kataas-taasan.

Samakatuwid, Siya [ang Allah lamang] ang karapat-dapat sa pagsamba, at wala nang iba bukod sa Kanya, Siya ang sinasamba ng mga puso nang punong-puno ng pagmamahal, pagpaparangal at pagpipitagan at pagdakila, at pagpapakumbaba at pagsuko, pagkatakot at pagtitiwala at pananalangin. Kaya walang dapat na dinadalanginan [o tinatawagan] maliban sa Allah at walang nilalapitan [o hinihingian ng tulong] maliban sa Kanya, at walang pagkatay [bilang handog] malibang ito ay pagsunod sa Kanya, kaya nararapat maging matapat para sa Ibaadah (pagsamba) [na tanging] sa Kanya lamang. Tulad ng sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {At walang ipinag-utos sa kanila maliban na sila ay nararapat sumamba sa Allah, [maging] matapat sa Kanya sa relihiyon}. Surah Al-Baiyinah (98): 4

Kaya sinuman ang sumamba sa Allah nang tapat sa Kanya, nagpapatotoo sa kahulugan ng Laa ilaaha illallaah (walang Diyos na dapat sambahin maliban sa Kanya), katiyakang siya ay magtatamo ng dakilang kaligayahan, kaluwagan ng loob, kasiyahan, marangal at mabuting buhay, samakatuwid walang tunay na kagalakan sa mga puso, kapanatagan at katahimikan ng isipan maliban sa pagsamba sa Allah lamang [at wala ng iba]. Tulad ng sinabi ng Kataastaasang Allah: {Sinuman ang gumawa ng kabutihan, maging lalaki man o babae, habang siya ay naniniwala (sa Kaisahan ng Allah), katotohanang Aming igagawad sa kanya ang isang mabuting buhay}. An-Nahl (16): 97


Ang Mga Haligi ng Laa ilaaha illallaah (walang Diyos na dapat sambahin maliban sa Allah):


  • Ang dakilang salita na ito ay may dalawang bahagi na kailangang malaman [at maunawaan] upang maging maliwanag ang mga kahulugan at mga pangangailangan nito:
    • 1

      Ang unang bahagi [o haligi] ay ang: Laa ilaaha (walang Diyos), ito ay nagpapahiwatig ng lubos na pagtakwil ng pagsamba sa iba maliban sa Allah, at ng pagpapawalang saysay ng Shirk (pagtatambal sa Kaisahan ng Allah), at ng pangangailangan ng pagtatakwil sa lahat ng sinasamba bukod sa Allah, maging ito man ay tao o hayop, rebulto o bituin o iba.

    • 2

      Ang ikalawang bahagi [o haligi]: illallaah (maliban sa Allah), ito ay ang pagpapatunay sa pagsamba sa Allah at tuwirang paglalaan sa Kanya ng lahat ng mga uri ng Ibaadah (pagsamba), tulad ng Salaah (pagdarasal), pagdalangin at pagtitiwala (at pananalig).


Samakatuwid, ang lahat ng uri ng Ibaadah (pagsamba) ay bukod tanging inilalaan [at iniaalay] sa Allah nang walang pagtatambal sa Kanya. Kaya sinumang magbaling [o maglaan] ng isang uri nito sa iba pa sa halip na ilaan sa Allah, samakatuwid siya ay isang di-naniniwala [o isang nagtakwil at tumalikod sa katotohanan].

Tulad ng sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {At sinuman ang manalangin (sumamba) sa iba bukod sa Allah, na wala naman siyang patunay hinggil dito, magkagayon, ang kanyang pagtutuos [o pananagutan] ay tanging [nakasalalay] sa kanyang Panginoon. Katotohanan, ang mga hindi naniniwala ay hindi magsisipagtagumpay!}. Surah Al-Mu’minun (23): 117

At katotohanang matatagpuan ang kahulugan ng Laa ilaaha illallaah (walang Diyos na dapat sambahin maliban sa Allah) at ang mga bahagi [o haligi] nito mula sa sinabi ng Kataastaasang Allah: {Kaya sinuman ang hindi naniwala sa mga Taghut (mga huwad na diyusdiyusan at naniwala sa Allah, tunay na siya ay tumangan ng isang matibay na hawakan}. Surah Al-Baqarah (2): 256

Sa sinabi Niyang: {Kaya sinuman ang hindi naniwala sa mga Taghut (mga huwad na diyusdiyosan na sinasamba bukod sa Allah)}: ito ay [tumatayo bilang] kahulugan ng unang haligi na (walang Diyos), at sa sinabi Niyang: {At naniwala sa Allah}: ito naman ang siyang [tumatayo bilang] ikalawang haligi na (maliban sa Allah).

Ang Kadalisayan ng Puso at Katatagan [o Kapanatagan] ng Sarili sa Tawheedullah [Kaisahan ng Allah]