Az-Zakaah (ang Takdang Kawanggawa) |
Ang Mga Layunin ng Zakaah (Takdang Kawanggawa):
Ipinag-utos ng Allah ang pagbabayad [at pamamahagi ng] Zakaah sa mga Muslim para sa mga natatangi [at dakilang] layunin. Magbabanggit tayo ng ilan sa mga ito:
1
Tunay na ang pagmamahal sa kayamanan ay isang ugaling likas na taglay ng tao upang siya ay maging lubhang mahigpit sa pangangalaga at bigyan ng higit na pagmamalasakit dito. Kaya itinakda ng batas ng Islam [bilang tungkulin] ang pagbibigay [at pamamahagi] ng Zakaah bilang pagpapadalisay sa sarili mula sa karamutan at kagahaman, at pinapawi nito ang pagmamahal sa mundo at ang labis na pagkahumaling sa mga karangyaan [o palamuti] nito. Ang Allah ay nagsabi: {“Kuhanan mo ng kawanggawa [Sadaqah] mula sa kanilang yaman upang sila ay maging malinis at sila ay pagpalain nito}. At-Taubah (9): 103
2
Ang pagbibigay ng Zakaah ay nagpapatunay sa diwa ng pagtutulungan at pagmamalasakitan [o pagdadamayan ng bawat isa], sapagka’t ang tao ay likas na nahahatak sa pagmamahal sa sinumang nagmagandang loob sa kanya, at dahil dito ang mga kasapi ng pamayanang Muslim ay namumuhay nang may pagmamahalan, pagkakaisa na wari bang mga gusali na magkakadikit, nagtutulungan sa isa’t isa, at binabawasan nito ang mga magaganap na pagnanakaw, pagdarambong at [mga pagmamalabis at walang kabuluhang] paglulustay.
3
Pinatotohanan nito ang kahulugan ng pagka-alipin at tunay na pagpapakumbaba at ganap na pagsuko sa Allah bilang Panginoon ng lahat ng nilalang, sa sandaling ipinamamahagi ng isang mayaman ang Zakaah ng kanyang kayamanan, samakatuwid siya ay tumutupad sa Batas ng Allah, sumusunod sa Kanyang Kautusan, at ang kanyang pamamahagi nito ay tanda ng pasasalamat sa Tagapagkaloob ng biyayang ito. {Kung kayo ay tumanaw ng utang na loob ng pasasalamat, katiyakang kayo ay higit Kong dadagdagan (ng Aking mga Biyaya)}. Ibrahim (14): 7
4
Sa pamamagitan ng pagbibigay [at pamamahagi] nito, nabibigyan ng katotohanan ang konsepto ng panlipunang pangangalaga at pagkapantay-pantay na ugnayan sa pagitan ng mga uri o pangkat ng tao sa pamayanan, kaya sa pamamagitan ng pamamahagi nito sa mga may karapatan nito, hindi mananatiling nakabunton ang pananalaping yaman sa mga natatanging pangkat ng pamayanan upang kanilang sarilinin ang yamang ito. Ang Allah ay nagsasabi: {Upang ito ay hindi maging isang kayamanan na nagpapalipat-lipat sa pagitan ng mayayaman sa inyo}. Al-Hashr (59): 7

Ang pagmamahal sa kayamanan ay isang likas na ugali ng tao, at sa katotohanan ang Islam ay nag-aanyaya sa pagpapadalisay sa sarili at hinihikayat ang tao na huwag magmamalabis sa pagkahumaling rito.