1
Ang paglilinis mula sa Hadath (karumihan) at Najasah (marumi): Ito ay naipaliwanag na sa una at naidetalye (Tingnan ang pahina:103).
2
Ang pagtatakip ng Awrah (mga maseselang bahagi ng katawan): Ipinag-utos ang pagtatakip ng Awrah sa pamamagitan ng damit na hindi humahapit sa hubog ng katawan dahil sa kaigsihan at kanipisan nito.
At ang Awrah ay mayroong tatlong uri:
Ang babae: Ang Awrah ng babae na nasa tamang gulang sa Salaah (pagdarasal) ay ang lahat ng kanyang katawan maliban sa kanyang mukha at mga kamay.
Ang batang lalaki: Ang Awrah ng maliit na batang lalaki: Ang dalawang maselang bahagi ng katawan lamang [ang kanyang ari at puwit].
Ang lalaki: Ang Awrah ng lalaki na nasa tamang edad: Simula sa pusod hanggang sa tuhod.
Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {O mga anak ni Adan, magsuot kayo ng palamuti [o ng maayos na damit sa inyong pagtungo], sa bawa’t masjid (oras ng inyong pagdarasal)}. Al-A`raf (7): 31
Katotohanan, ang pagtatakip ng Awrah ay pinakamababang pamantayan ng pananamit. At ang kahulugan ng sa bawa’t Masjid: ibig sabihin ay sa bawa’t oras ng inyong pagdarasal [Salaah].

Kinakailangan para sa pagdarasal [Salaah] ng babaeng Muslim ang pagtakip sa lahat ng kanyang katawan maliban sa kanyang mukha at dalawang kamay.
3
Ang Pagharap sa Qiblah (direksiyon sa Salaah):
Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {At kahit saan ka mang lugar maparoon (sa pag-aalay ng Salaah), iharap mo ang iyong mukha tungo sa direksiyon ng Masjidil Haram (Banal na Bahay-Dalanginan sa Makkah)}. Al-Baqarah (2): 149
- At ang Qiblah ng mga Muslim ay ang marangal na Ka`bah na itinayo ng ama ng mga Propeta na si Ibrahim (Abraham) – sumakanya nawa ang kapayapaan, at dito ay nagsagawa rin ng Hajj (pilgrimahe) ang mga Propeta – sumakanila nawa ang kapayapaan. At ating lubos na nababatid na ito ay tunay na mga bato lamang na hindi nakapipinsala at hindi nakakapagdulot ng kapinsalaan, nguni’t tayo ay pinag-utusan ng Allah na humarap dito sa Salaah [bilang direksiyon] upang magkaisa ang lahat ng mga Muslim tungo sa iisang dako [ng pagdarasal], kaya makapagsasagawa tayo ng maayos na pagsamba sa Dakilang Allah sa pamamagitan ng pagharap dito
- Nararapat para sa isang Muslim na siya ay humarap tungo sa Ka`bah, kapag ito ay kanyang nakikita sa kanyang harapan, nguni’t kapag ito ay malayo mula sa kanyang kinaroroonan, sapat na humarap siya sa dakong gawing malapit sa kinaroroonan ng Makkah, samantalang ang kaunting paglihis sa pagharap ay walang masama rito. Batay sa sinabi ng Propeta r : «Ang pagitan ng silangan at kanluran ay Qiblah». (At-Tirmidi: 342)
- At kung hindi niya magagawang humarap dito sanhi ng kanyang karamdaman o iba pa rito, hindi niya kailangang humarap dito sapagka’t hindi dapat isagawa ang isang tungkulin ng sinumang walang kakayahang tuparin o gampanan ito. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {Kaya matakot kayo sa Allah sa abot ng inyong kakayahan}. At-Taghabun (64): 16
4
Ang pagdating ng tamang oras ng Salaah (pagdarasal):
At ito ay isa sa mga patakaran upang maging wasto ang Salaah, sapagka’t hindi tinatanggap ang Salaah bago ang pagdating ng tamang oras ng pagsasagawa nito, at ipinagbabawal din ang pagpapahuli sa takdanag oras nito. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {Katotohanan, ang pagdarasal ay ipinapatupad para sa mga naniniwala sa takdang oras (ng pagdating nito)}. An-Nisa’ (4): 103
At kailangan isaalang-alang ang paniniyak sa pagdating ng tamang oras ayon sa ilang mga bagay:
- Ang pinakamainam sa pagsasagawa ng Salaah (pagdarasal) ay sa unang takdang oras nito.
- Ipinag-utos [bilang tugnkulin] ang pagsasagawa ng pagdarasal [Salaah] sa takdang oras nito, at ipinagbabawal ang pagpapahuli nito sa anupamang kadahilanan.
- Sinumang nakaligtaan o nakalagpas sa tamang oras ng kanyang Salaah (pagdarasal) sanhi ng pagtulog o pagkalimot, ipinag-uutos para sa kanya ang madaliang pagsasagawa nito [bilang] kabayarang-dasal kapag ito ay kanyang naalaala.
Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {Katotohanan, ang pagdarasal ay ipinapatupad para sa mga naniniwala sa takdang oras (ng pagdating nito)}. An-Nisa’ (4): 103