Ang Iyong Mga Ugnayang Pangkalakalan at Pananalapi

Ang Iyong Mga Ugnayang Pangkalakalan at Pananalapi


Ipinag-uutos at ipinag-aanyaya ng Allah ang paghahanap-buhay sa mundong ito at ito ay binigyan ng paliwanag sa iba’t ibang aspeto:

  • Katotohanang Kanyang ipinagbabawal ang panghingi ng yaman [o kabuhayan] sa mga tao hangga’t ang tao ay may kakayahang gumawa at maghanap-buhay nang ayon sa kanyang sarili pagsisikap at paggawa, at Kanyang ipinaalam na ang sinumang humihingi ng yaman [o kabuhayan] sa mga tao, samantalang may kakayahan namang gumawa at maghanap-buhay, ay kanyang isinasadlak sa kawalan ng dangal ang kanyang sarili sa paningin ng Allah at maging sa paningin ng mga taong kanyang nakakasalamuha sa lipunan.

    Sapagka’t sinabi niya ﷺ: «Ang isang tao na patuloy na namamalimos nang walang dahilan ay kanyang makakaharap ang Dakilang Allah [sa Araw ng Paghuhukom] na walang laman ang [pisngi ng] kanyang mukha». (Al-Bukhari: 1405 – Muslim: 1040)

    At sinabi ng Sugo ng Allah ﷻ : «Sinuman ang dinapuan ng matinding karukhaan [o kahirapan] at ito ay kanyang iniasa sa mga tao, ang kanyang karukhaan [o kahirapan] ay walang katapusan, nguni’t kung ito ay kanyang iniasa [at idinaing] sa Allah, mamadaliin ng Allah para sa kanya ang kasaganaan (kasapatan at kaluwagan)». (Ahmad: 3869 – Abu Daud: 1645)

  • Kinikilala ng Islam ang lahat ng paghahanap-buhay [o mga gawaing pangkabuhayan] sa alinmang larangan, kalakal at industriya, mga paninilbihang-kalakal [general services] o pamumuhunan [o investment] bilang mararangal na gawain hangga’t ito ay pinahihintulutan at hindi nasasangkot sa mga maling ugnayan. Sa katunayan, ipinaalam ng Islam na ang mga Propeta ay nagsipaghanap-buhay sa paraang marangal na laganap sa kanilang mga pamayanan. Batay sa sinabi ng Propeta ﷺ : «Walang propetang isinugo ang Allah maliban siya ay isang tagapag-alaga ng kambing». (Al-Bukhari: 2143), at si Propeta Zakariyya ay isang anluwage (Muslim: 2379). At gayundin naman ang iba pang mga Propeta, sila ay naghanap-buhay tulad ng gayong simple at marangal na hanap-buhay.

    Kinikilala ng Islam ang lahat ng uri ng kalakalan na pinapahintulutan bilang marangal na gawain, walang anumang kamaliang nakaugnay rito.

  • Tunay na sinuman ang naghanap-buhay nang may layuning itaguyod ang sarili at pamilya at tumulong sa mga taong nangangailangan, ay gagantimpalan ng Allah nang kasaganaan nang dahil sa kanyang pagpupunyagi [at pagsisikap na mabuhay nang marangal]


Sa Pangkalahatang Pananaw ng Islam, ang Lahat ng Kalakalan [at Pananalapi] ay Ipinahihintulot


Sa pangkalahatang pananaw ng Islam, ang lahat ng kalakalan [at pananalapi] ay ipinahihintulot. Kabilang na rito ang pagtitinda, pamimili, pagpapaupa at ang lahat ng uri ng paninilbihang-kalakalan na kinakailangan ng tao sa kanyang pang-araw-araw na pamumuhay maliban na lamang sa mga bagay na ipinagbawal sanhi ng likas na karumihan nito o mga bagay na nakuha sa di-makatwiran o maling pamamaraan [tulad ng panlilinlang, pandaraya at pagkamkam].


Ang Mga Bagay na Bawal Sanhi ng Likas na Karumihan Nito


Ito ay ang mga bagay na ipinahayag ng Allah na bawal, sanhi ng likas na karumihan nito at sa gayon ay hindi dapat ipagbili, o bilhin, ipaupa, ipagawa [bilang isang produkto] at hindi rin nararapat na ipamahagi sa pagitan ng mga tao.

Ang Mga Halimbawa ng Mga Bagay na Ipinagbabawal Sanhi ng Kanilang Karumihan:

  • Ang Laman ng Aso at Baboy.
  • Ang Mga Patay na Hayop at Ang Alinmang Bahagi Nito.
  • Ang Mga Alak at Mga Inuming Nakalalasing.
  • Ang Mga (Bawal na) Gamot at Iba Pang Nakakapinsala sa Kalusugan
  • Ang Mga Gamit na Nagpapalaganap ng Kalaswaan sa Pagitan ng Mga Tao, tuald ng Mga Malalaswang Tapes, Babasahin, at Mga Malalaswang websites.
  • Ang Mga Idolo (Estatwa na itinuturing bilang mga diyos) at Anumang Bagay na Pinag-uukulan ng Pagsamba Bukod sa Allah.


Ang Mga Bagay na Bawal Sanhi ng Maling Pamamaraan ng Pagkamit [o Paghango at Pagkatamo] Nito


Ito ay mga bagay na likas na pinahihintulutan subali’t ito ay naging bawal sanhi ng maling pamamaraan ng pagkuha o pagtamo nito, na nagdudulot ng pinsala sa tao at sa lipunan. Ang mga kalakalang ipinagbabawal tulad ng:

Ang Riba (Pagpapatubo), ang pandaraya at pagsusugal [o paglalaro].

At tayo ay magbibigay ng pagpapaliwanag, sa mga sumusunod na pahina: