Nagbigay ng pahintulot ang Allah sa ilang mga uri ng tao upang maaari nilang itigil ang pag-aayuno sa Ramadhan bilang pagpapagaan, habag at pagpapaluwag sa kanila. Sila ay ang mga sumusunod na babanggitin:
1Ang may sakit o karamdaman na maaaring lumala ang sakit kung ipagpapatuloy ang pag-aayuno. Kaya maaari niyang ipagliban ang kanyang pag-aayuno, datapuwa’t kailangan niyang bayaran ito pagkatapos ng Ramadhan. |
2Ang walang kakayahan sa pag-aayuno dahil sa katandaan at karamdaman na walang pag-asang malunasan, sa gayon maaari niyang itigil ang pag-aayuno, datapuwa’t kailangan niyang magpakain sa bawat araw ng isang mahirap, ibibigay nito sa kanya ang katumbas ng isang kilo at kalahati mula sa pangunahing pagkain ng bansa. |
3Ang naglalakbay sa panahon ng kanyang paglalakbay at sa pansamantala niyang pagtigil na bababa sa apat na araw, sa gayon maaari niyang itigil ang pag-aayuno, datapuwa’t kailangan niyang bayaran ito pagkatapos ng Ramadhan. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {Nguni’t sinuman ang may karamdaman o nasa paglalakbay, ang katumbas na bilang ng araw ng pag-aayuno sa ibang araw ay dapat tuparin [bilang kabayaran ng pagliban]. Hangad ng Allah na ito ay gawing magaan para sa inyo at hindi Niya hangaring ito ay gawing mahirap para sa inyo.} Al-Baqarah: (2): 185 |

4Ang dinatnan ng dugo sanhi ng pagreregla o panganganak, ipinagbabawal sa kanila ang pag-aayuno at hindi ito matatanggap sa kanila, datapuwa’t kailangan nilang bayaran ito pagkatapos ng Ramadhan (Tingnan ang pahina:110). |
5Ang nagbubuntis at nagpapasuso, kung sila ay nangangamba para sa kanilang sarili o sa bata, magkagayon, kailangan nilang itigil ang pag-aayuno, datapuwa’t nararapat nilang bayaran ang [bilang ng] araw na kanilang ipinagpaliban. |
Ano ang Hatol sa Isang Muslim na Itinigil ang Kanyang Pag-aayuno sa Ramadhan?
Ang pagtigil sa pag-aayuno nang walang makatuwirang dahilan ay isang malaking kasalanan na angpapahiwatig ng pagsuway sa Dakilang Allah. Samakatuwid, ito ay nangangailangan para sa kanya ng pagsisisi at pagbabalik-loob sa Allah dahil sa kanyang nagawang malaking kasalanan at kanyang pagsuway sa kautusan ng Tagapaglikha, at ipinag-uutos para sa kanya ang pagbabayad sa araw na iyon lamang, maliban kung ang dahilan ng kanyang pagtigil ay dahil sa kanyang pakikipagtalik sa araw ng Ramadhan], sa gayon babayaran niya ang araw na iyon at bukod doon ay tungkulin pa niyang magbayad-sala sa naturang pagkakasala sa pamamagitan ng pagpapalaya ng isang alipin – ibig sabihin nito ay sa pamamagitan ng pagtubos sa isang alipin na Muslim (sa kamay ng mga kaaway) at pagkatapos ay kanyang palalayain ito. Sapagka’t binibigyang-diin ng Islam ang kahalagahan ng pagpapalaya sa isang tao mula sa pagiging alipin sa lahat ng pagkakataon, datapuwa’t kapag wala siyang natagpuang alipin tulad ng panahon ngayon, siya ay nararapat mag-aayuno ng dalawang buwan na magkakasunod, at kung hindi niya kaya, magkagayon siya ay nararapat magpapakain ng animnapung mahihirap.